Engaged na ang aktres na si Therese Malvar sa kaniyang partner na director/writer na si Jaime Morados.
Sa Instagram, nagbahagi ang longtime couple ng isang joint post kung saan ikinuwento ni Jaime ang isang mala-pelikulang video na tampok ang ilang pangyayari —mula sa pagkain ng midnight snack sa isang fast-food restaurant at pagla-late-night drive, hanggang sa kung paano naganap ang proposal.
Simple ngunit napaka-romantiko ng proposal. May mga gitaristang tumugtog na lalo pang nagbigay ng espesyal na himig sa gabi.
Matapos sabihin ni Therese ang kaniyang matamis na "oo" sa tanong ni Jaime na, "Will you marry me?", sabay-sabay na nagsindi ng ilaw ang kanilang mga kaanak at masayang nagpalakpakan at nagdiwang para sa dalawa.
“Thank you, Lord, for my soon-to-be wife,” saad ni Jaime.
Unang nagkakilala sina Therese at Jaime bilang mga estudyante ng pelikula sa MINT College. Mula noon, nagsama na sila sa paggawa ng ilang proyekto, kabilang ang mga short film na "Ang Pagliligtas sa Dalagang Bukid (Saving the Country Maiden)" at "They Made Monsters."
Kamakailan lamang, gumanap si Therese sa historical biopic na "Quezon," na pinagbibidahan ni Jericho Rosales. Ito ang ikatlong pelikula sa Bayaniverse ng TBA Studios, kasunod ng "Heneral Luna" at "Goyo: Ang Batang Heneral."
— Hermes Joy Tunac/FRJ GMA News

