May pambihirang kalagayan ang isang lolo sa Mondragon, Northern Samar na katulad sa isang ina dahil ang kaniya niyang kaliwang dibdib, naglalabas ng tila gatas na ipinapadede sa kaniyang apo. Ano nga ba ang puting likido na lumalabas sa kaniyang dede at ligtas kayang ipainom ito sa bata? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakilala ang 54-anyos na si Lolo Bestre Bocboc, na nilalabasan ng likidong tila gatas ang kaliwang dibdib kapag pinipisil niya ito.

Kaya naman ang 2-anyos niyang apo na si Nathan, lumalapit sa kaniya kung minsan para dumede.

“Pinadede ko na lang kasi umiiyak eh,” sabi ni Lolo Bestre.

Kada araw, sumisirit umano mula sa kaniyang suso ang gatas, na natikman niya na rin.

“Malapot-lapot, parang sa nanay ba, 'yung amoy niya parang normal lang siya. Natikman ko na po, parehas sa nanay” sabi ni Lolo Bestre.

Kinumpirma ito ni Anabel Pinca, partner ni Lolo Bestre, na nagsabing matamis-tamis na parang may kaunting asim ang lasa.

Ipinatikim kay Nathan ang tila gatas at nagulat daw sila nang magustuhan ito ng bata.

“Bigla siyang dumede kay tatay nang walang sinasabi. Bigla na lang siyang nagtanggal na ang damit ni tatay tapos dumede talaga siya doon,” kuwento ni Nessa Bocboc, anak ni tatay Bestre.

Ayon kay Nessa, nitong taon lang nagsimulang dumede si Nathan kay Tatay Bestre. Mayroon namang sariling gatas si Nessa, pero hindi sa kaniya dumedede si Nathan kundi sa lolo nito.

“Sa isang linggo, apat na beses siya dumedede kay tatay. Iniisip ko lang, baka may epekto ‘yun sa kaniya. Pero wala naman, malusog naman siya, masigla,” ani Nessa.

Pati pala si Nessa, sa kaniyang Tatay Bestre rin pinapasuso noong bata pa siya.

Sinabi ni Lolo Bestre na mukha namang “healthy” ang kaniyang gatas.

Bata pa lang daw si Lolo Bestre ay nagsimula nang may lumabas na tila gatas mula sa kaniyang isang dibdib. Hindi na ito tumigil hanggang sa nagbinata siya at nagkapamilya.

Dahil na rin sa kaniyang “breast” milk, minsan na ring kinuwestiyon ni Lolo Bestre ang kaniyang sarili.

“Bakit nga nagkaganito ako, hindi naman ako babae. 'Yung ginawa ko lang, huminto akong mag-isip. Lalaki ako,” sabi ni Lolo Bestre

Hindi man nakaepekto sa pagkalalaki niya ang pagkakaroon niya ng tila gatas, nais ni Lolo Bestre na magpa-checkup upang malaman ang kaniyang kondisyon.

Tunghayan sa KMJS ang pagpapasuri na ginawa kay Lolo Bestre ng isang endocrinologist tungkol sa kaniyang kondisyon, at kung may lunas ba ito. Alamin din kung ligtas ipainom ang kaniyang “breast” milk sa bata. Panoorin ang buong kuwento sa video. – FRJ GMA News