Nagpadala ang pamahalaan ng United Arab Emirates (UAE) ng tulong para sa mga biktima ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa karagatan na malapit sa Maasim, Sarangani noong Hunyo 8.

Sa isang ulat na ibinahagi sa GMA Pinoy TV, namahagi ang UAE ng mga grocery packs at malinis na inuming tubig sa mga pamilyang lumikas mula sa mga lugar na naapektuhan ng lindol sa Mindanao.

“This effort is a beautiful display of malasakit (compassion), powered by the strong ties between the UAE and the Philippines, alongside the incredible spirit of our Global Pinoys in Dubai,” saad sa post.

Ayon sa mga nag-organisa, ilang araw lamang matapos ang lindol ay agad nang sinimulan ang inisyatibo at nagpapatuloy pa rin ang operasyon.

Pinangungunahan ang relief operation ni UAE Ambassador Mohamed Al Qattam Alzaabi, katuwang ang Embassy of the United Arab Emirates in Manila, UAE Aid Team, Impact Makers Dubai, at ang Emirates News Agency.

Noong Hunyo 11, inihayag na ng UAE Embassy sa Maynila sa pamamagitan ng Facebook post na nakatuon ito sa pagtulong sa mga naapektuhan ng lindol sa pamamagitan ng agarang pagpapadala ng pangunahing pangangailangan ng Pilipinas.

Sa Maasim, ibinahagi ng lokal na pamahalaan nitong Huwebes ang mga detalye ng dalawang araw na relief mission ng UAE Embassy, na umabot sa humigit-kumulang 6,000 benepisyaryo.

“Sa mga hinabang nga naabot diri, gipasalamatan nato ang taga-UAE nga nagtabang. Pasalamat kami nga gitabangan, ug ang atong Ginoo nga nagprotekta nato,” sabi ni Mayor Zyrex Pacquiao sa kaniyang social media post.— Lyjah Tiffany Bonzo/FRJ GMA News