Hindi mangyayari sa kasalukuyang 2026 Wimbledon Championships sa London ang inaasam na paghaharap ng Pinay tennis star na si Alex Eala at tennis legend na si Serena Williams.
Bagaman nanalo si Eala laban kay Renata Zarazua sa first round ng torneo nitong Miyerkules, nabigo naman si Williams na makausad sa susunod na round nang matalo sa mas bata na si Maya Joint.
Sa kanilang laban, halos inilampaso ni Eala ang Mexican na si Zarazua matapos na makamit ang tagumpay sa iskor na 6-1, 6-2.
Ito ang kauna-unahang panalo ni Eala sa main draw ng Wimbledon. Ikalawa rin niya itong panalo sa main draw ng isang Grand Slam tournament, kasunod ng kaniyang tagumpay sa unang round ng US Open noong nakaraang taon.
Pang-29 na seeded sa torneo si Eala, na unang pagkakataon niya sa isang Grand Slam event.
Sa kanilang laban ni Zarazua, kaagad na ipinakita ni Eala ang kaniyang kontrol sa laban. Mabilis siyang umabante sa iskor na 3-1 sa unang set. Bagama't nagpakita ng tapang ang Mexican player sa sumunod na dalawang laro, nagawa naman ng Pinay tennis star na pigilan ang paghabol nito at palobohin ang lamang sa 5-1.
Sa sumunod na laro, muling ipinakita ni Zarazua na hindi niya basta isusuko ang laban, at nakakuha pa ng 40-30 na abante. Ngunit bumawi si Eala sa pamamagitan ng pagwawagi sa sumunod na tatlong laro, at tinapos ang laban sa isang malakas na forehand winner para sa 6-1 panalo sa unang set.
Sa ikalawang set, muli ring umabante si Eala sa iskor na 5-1. Gayunman, naging palaban pa rin si Zarazua at nakuha ang sumunod na laro upang buhayin ang kaniyang pag-asang makabalik sa laban.
Ngunit agad ding naputol ang kaniyang pag-asa matapos siyang magkamali sa magkasunod na palo na parehong tumama sa net. Dahil dito, nakakuha si Eala ng 40-15 na kalamangan at dalawang match points.
Tinapos ni Eala ang laban sa pamamagitan ng isang matinding forehand na palo, na nagbigay sa kaniya ng panalo sa straight sets at tiket patungo sa ikalawang round.
Dahil sa tagumpay, nahigitan ni Eala ang kaniyang naging kampanya sa Wimbledon noong nakaraang taon, nang matalo agad sa unang round laban sa noo’y defending champion na si Barbora Krejcikova sa Round of 128.
May pag-asa sanang makalaban ni Eala sa susunod na round ang dating world No. 1 at 23-time Grand Slam champion na si Serena Williams, 44-anyos, pero hindi na ito mangyayari matapos matalo sa unang laban niya kontra kay Maya Joint, 20-anyos, sa iskor na 6-3, 6-7 (6), 6-3.
Ito ang unang laban ni Williams sa Wimbledon mula nang matalo kay Harmony Tan ng France sa first round ng kanilang laban noong 2022.
"I didn't get much sleep last night," saad ni Joint sa gagawing paglaban sa kaniyang idolo. "I was up until like 2 a.m. thinking about it. I've been dreaming about this moment since I was a little kid, so this is pretty crazy." -- Field Level Media/Reuters/Bea Micaller/FRJ GMA News
