Sinimulan na ng pamahalaang lungsod ng Dagupan ang pagpapatupad ng isang ordinansa na ipagbawal ang operasyon ng mga pisonet shop. Ginawa ito dahil sa posibilidad umano na malulong ang mga kabataan sa online games at malantad sila sa iba pang panganib na makikita nila sa internet.
Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Miyerkules, sinabing nag-inspeksyon ang mga opisyal ng lungsod, kasama ang Dagupan City Police Office, sa mga pisonet shops sa iba't ibang bahagi ng lungsod at nagbigay ng mga abiso ng pagpapasara sa mga operator.
Sinabi ni Dagupan City Mayor Belen Fernandez na isinulong ang naturang hakbang sa kabila ng mga batikos mula sa ilang sektor.
"Malungkot man dahil maraming namba-bash, pero ako mismo ang humiling sa Sangguniang Panlungsod na gumawa ng ordinansa na mapahinto ang mga pisonet sa Dagupan," anang alkalde.
Nakipag-usap din ang mga awtoridad sa mga pisonet operators upang ipaliwanag ang ordinansa.
Inihayag naman ng isang operator na susunod sila sa direktiba ng lungsod.
Pabor naman ang ibang magulang sa ordinansa para maprotektahan ang kanilang mga anak.
Binigyan ng pamahalaang lungsod ang mga operator ng pisonet ng limang araw upang tumugon at sumunod sa ipinatutupad na ordinansa. – FRJ GMA Integrated News

