Tinawag ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na “baseless and ludicrous,” ang hirit ng ilang Chinese scholar na bahagi ng China ang Batanes dahil parte umano ang naturang isla ng Taiwan, na nais ding makontrol ng Beijing.

Ayon sa kalihim, nakababahala to dahil maaaring mapaniwala ang mga mamamayan ng China.

“Sa kanilang closed society, sa tao nila, naniniwala ang mga tao nila dito. Brainwashed eh ang mga tao nila. So ito ay concerning kaso. Ito’y dapat labanan,” sabi ni Teodoro sa panayam nitong Huwebes.

“We should not allow this to go unresponded to. All academics in the world should douse cold water already on this theory. Kalokohan na ‘yan eh,” dagdag niya.

Ginawa ni Teodoro ang pahayag kasunod ng mga ulat na ilang mananaliksik mula sa Chinese universities and institutes sa China na nagsasabi na walang sapat na makasaysayan at legal na batayan ang Pilipinas sa pamamahala sa Batanes.

Napagpasyahan umano ng mga iskolar na ang mga isla ay isang heograpikal na karugtong ng Taiwan at dahil dito, ang soberanya nito ay kabilang sa China.

Ang deklara ng mga scholar, ang mga isla ng Batanes ay karugtong ng Taiwan, na tinatawag ng China na rebeldeng lalawigan nila.

Pata kay Teodoro, pagpapatunay ito na may plano ang China na kontrolin ang Pacific Ocean.

“Signalling of a preconcenied intention already. HIndi din malayo na nasa plano nila ‘yan. And it also validates ‘yung sinasabi natin na they have the plan to control the whole Pacific Ocean, what is this for?” saad niya.

Samantala, sinabi rin ni Teodoro na ang mga maling pahayag ng China ay lalong magpapatibay sa pagkakaisa ng ibang mga bansa laban sa “irresponsible behavior” ng Beijing.

“And sino ang sisisihin dito kapag nagkaroon ng anti-China feeling. Sila lang dahil sa ginagawa nila, no?” dagdag niya.

“I mean, it’s— hindi na kapanipaniwala,” giit niya.

Samantala, sinabi ni Rear Admiral Jay Tarriela, tagapagsalita ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS), na hindi dapat palampasin ang naturang pahayag ng mga Chinese scholar.

“Otherwise, kapag hindi natin pinatulan itong mga ganitong kasinungalingan, uulit-ulitin lang nila and they are going to rewrite history once again,” paliwanag niya.

“Baka hindi natin alam, baka pati Ilog Pasig angkinin na rin ng China,” dagdag ng opisyal. — FRJ GMA News