Sa isang media conference nitong Miyerkules, tinanong ang aktres na si Nadine Lustre kung may plano na ba silang magpakasal ng kaniyang nobyong Filipino-French businessman na si Christophe Bariou.

"Wala pa po. Hindi naman po kami nagmamadali," tugon ni Nadine.

Kung sakaling magpakasal na, tinanong naman ang aktres kung saan niya nais idaos ang kanilang pag-iisang-dibdib.

Ayon kay Nadine, mas gusto niyang idaos ang kasal sa Siargao, kung saan sila kasalukuyang naninirahan, gayundin sa France, na home country ni Christophe.

Unang nagkakilala sina Nadine at Christophe noong 2021. Isinapubliko nila ang kanilang relasyon noong 2023 sa red carpet ng Vogue Gala.

Sa kasalukuyan, bida si Nadine sa seryeng "Love, Siargao" kasama sina Alden Richards, Kyline Alcantara, Kim Ji Soo, at marami pang iba.

Tinutukan ng serye ang alamat ng "Siargao Curse," na nagsasabing ang mga bumibisita sa isla ay hindi na umaalis o kaya naman ay nahuhulog sa pag-ibig.

Ang kuwento ay tungkol kina Jao at Kara, dalawang estranghero na magkaiba ang pananaw sa buhay, ngunit nagtagpo ang kanilang mga landas sa isla.

Ang "Love, Siargao" ay bunga ng pagtutulungan ng GMA Network, Viu Philippines, at Viva Communications Inc.

Kasalukuyan itong napapanood sa Viu Philippines. — FRJ GMA News