Isinusulong na ideklarang critical habitat ng Philippine crocodiles ang lugar na malapit sa ilog sa San Mariano, Isabela matapos na makumpirma ang mga pugad ng naturang uri ng buwaya na nanganganib maubos.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing nagsagawa ng site validation at monitoring ang Department of Environment and Natural Resources, katuwang ang Biodiversity Management Bureau sa lugar at doon nakita ang ilang itlog at ilang buwaya.
Dahil sa nakitang dalawang pugad ng buwaya na may mga itlog, dalawang juvenile at dalawang adult na buwaya, iminumungkahi ang lugar na ideklarang critical habitat.
Ang natuklasan ay patunay umano na ang lugar ay nagsisilbing tirahan, pangitlogan at lugar na pagpaparami ng naturang uri ng buwaya na nanganganib nang maubos.—FRJ GMA News
