Isang 25-anyos na lalaki ang nasawi matapos siyang mabundol ng isang utility van habang tumatawid sa pedestrian lane sa Calamba, Laguna. Ang biktima na isang factory worker, bibili lang sana ng almusal nang mangyari ang trahedya.

Sa ulat ni Gabriel Gonzales sa GTV News Balitanghali nitong Huwebes, sinabing naganap ang nahuli-cam na insidente nitong Martes ng madaling araw sa Maharlika Highway sa Barangay Makiling.

Sa CCTV footage, makikita ang biktima na huminto sa gitna ng kalsada at tumingin sa kanan dahil may paparating na sasakyan. Pero isang mabilis na utility van ang sumulpot mula sa kabilang direksyon at nahagip ang biktima.

Nakaladkad pa ng van ang biktima ng ilang metro, hanggang sa tuluyang tumakas ang salarin.

Ayon sa pulisya, bibili lang ng almusal ang biktima bago sana pumasok sa trabaho sa isang pabrika nang mangyari ang trahediya.

May mga nakasaksi umano na sinubukang habulin ang van pero pero hindi nila inabutan.

Sinabi naman ng barangay official na madalas talaga ang aksidente sa lugar dahil matutulin ang mga sasakyan.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy ang plaka ng sasakyan at mahuli ang driver. – FRJ GMA News