Ibinahagi ni Jessa Zaragoza na humarap sa pagsubok ukol sa kalusugan ang kaniyang asawa na si Dingdong Avanzado. Mula noong nakaraang buwan ng Hunyo, ilang ulit na umanong naospital ang mang-aawit.

Sa isang post sa Instagram, humingi ng paumanhin si Jessa sa kaniyang pagiging hindi aktibo at sa pagpapaliban ng ilan sa kaniyang mga nakatakdang commitment. Aniya, nakatuon ang kaniyang oras sa pag-aalaga kay Dingdong.

“Since Father’s day, June 22 we’ve been going back and forth to the hospital, as Dingdong’s been facing health challenges,” saad ng mang-aawit.

Ibinahagi rin niya ang kaniyang naging karanasan sa pag-aalaga ng isang mahal sa buhay na may karamdaman. Aniya, kailangan niyang maging laging handa upang matugunan ang mga pangangailangan ng kaniyang asawa.

“Between his surgery and being admitted again this Past Friday. I’ve realized, di din biro mag alaga ng loved ones mo na may karamdaman. I have to be on my toes all the time pag may kailangan sya,” ani Jessa.

Nagpasalamat din si Jessa sa kanilang pamilya at mga kaibigan na dumalaw kay Dingdong, nagpadala ng pagkain, at nag-alay ng mga panalangin sa gitna ng kanilang pinagdaraanan.

Umaasa umano sila na maipagdiriwang ni Dingdong ang kaarawan nito sa labas na ng ospital.

“Yun na lang daw ang Birthday wish niya,” sabi ng singer.

Hindi naman isiniwalat ni Jessa ang dahilan ng isinagawang operasyon kay Dingdong, ngunit nagpasalamat siya sa mga doktor na bumubuo sa medical team ng kaniyang asawa, kabilang ang kaniyang cardiologist, urologist, at mga espesyalista sa infectious diseases.

“Thank you Lord,” saad niya.—Carby Rose Basina/FRJ GMA News