Pinatunayan ng isang Pinay na halos 11 taon nang seafarer na hindi hadlang ang kaniyang pagiging babae para makapasok at magtagumpay sa maritime industry, na pinamumunuan ng mga lalaki.

Sa panayam sa kaniya ng GMA Pinoy TV, inilahad ni KC Abigail Chin-Sood na hindi niya kailanman pinangarap na magkaroon ng karera sa karagatan.

Katunayan, gusto niyang magtrabaho noon sa korte bilang isang abogado, o lumipad bilang isang piloto.

Ngunit dahil sa limitasyon ng kaniyang pamilya pagdating sa pinansiyal, nagpasiya si Chin-Sood na ipagpatuloy ang iba pang mga pangarap, at nagtulak sa kaniya na maglayag sa karagatan.

"Growing up, I didn't exactly dream of becoming a seafarer," ani Chin-Sood.

"Dati naalala ko, gusto ko maging lawyer or maging isang piloto. At dahil nga kapos kami sa budget, I told my parents that I would just take up marine transportation instead at gusto kong maging seafarer gaya ng papa ko," dagdag niya.

Second officer na ngayon si Chin-Sood, na nagtatrabaho sa mga tanker ship na naghahatid ng crude oil sa buong mundo, kabilang ang Europa, Amerika, Aprika, at mga lugar sa paligid ng Dagat Mediteraneo.

Pinatunayan ang sarili

Pagkatapos ng graduation, inamin ni Chin-Sood na hindi naging madali ang kaniyang paglalakbay. Marami siyang hinarap na mga walang katiyakan— gaya ng kung bibigyan siya ng pagkakataon ng mga shipping company.

"Pagka-graduate ko ng college, pumunta ako ng Manila, uncertain kung may tatanggap ba sa 'kin na shipping company kasi nga during my time sobrang pahirapan ang pag-apply at bihira lang ang mga shipping companies na tumatanggap ng babae," kuwento niya.

Bilang isang dalaga na naghahangad na maging isang marino, hindi hinayaan ni Chin-Sood na mahadlangan siya ng walang kasiguraduhan at ng mga nakaraang balakid.

Idinagdag niyang hindi siya makararating sa kaniyang kinalalagyan kung susuko siya.

Dahil sa kaniyang determinasyon, naging deck cadet siya kalaunan.

"As a woman working in a male-dominated industry, I've had to prove myself constantly," sabi ni Chin-Sood.

Naniniwala siyang hindi hadlang ang pagiging babae sa industriyang kaniyang pinagtatrabahuhan, kundi maaari pa itong maging isang regalo kung maniniwala lamang sa sarili.

"The advantage is that we, women, often bring a unique perspective [to] the table, and I believe that our ability to communicate and to collaborate is one of our strengths," dagdag niya.

Mga ‘bagyo’ sa dagat

Bilang isang marino, tinapangan din ni Chin-Sood ang kaniyang loob na mawalay sa kaniyang mga mahal sa buhay nang mahabang panahon, ng ilang buwan o kahit ilang taon.

Sinabi ni Chin-Sood na ito ang isa sa pinakamahirap na kailangan niyang tiisin sa kaniyang trabaho.

"Being away from my family for long periods, which can be emotionally challenging hindi lang sa akin at para na rin sa kanila, especially ngayon na may asawa na ako, mahirap din para sa mister ko 'yon," sabi ni Chin-Sood.

Bukod sa mahahabang oras ng trabaho, binanggit niya rin ang pang-araw-araw na pisikal na kapaguran at ang patuloy na mga panganib na kailangan niyang harapin bilang isang second officer.

"[May] uncertainty kung makakauwi ka ba nang safe sa pamilya mo, especially doon sa mga marino na may biyahe sa mga high-risk area, alam naman nating sobrang risky ng trabaho ng isang seafarer," dagdag niya.

Mga mithiin pagbasag sa mga stereotype

May kaakibat na pang-araw-araw na paghihirap ang trabaho, ibinahagi ni Chin-Sood ang mga gantimpalang tinatamasa rin niya bilang isang marino.

"The sense of adventure and exploration kasi nga, 'di ba (because), every day is different, and every day you're constantly learning," sabi niya.

"At siyempre, nae-enjoy ko rin 'yung mga lugar na napupuntahan ko 'pag nagvi-visit kami sa iba't ibang bahagi ng mundo," dagdag niya.

Hangad ni Chin-Sood na hindi lamang basagin ang mga balakid para sa mga babaeng naghahangad ding mapunta sa maritime industry, kundi pati na rin labanan ang mga stereotype tungkol sa kaniyang trabaho.

Kuwento ng isang marino sa social media

Ibinabahagi ni Chin-Sood ang mga kuwento ng kaniyang buhay bilang isang marino sa social media, at umaasang makapagbibigay-inspirasyon at makapagmulat sa ibang tao sa trabahong kaniyang kinagigiliwan at minamahal.

Sa ngayon, mayroon na siyang 149,000 followers sa Facebook pa lamang.

"The idea of creating content at sea came from my desire to share the life of a seafarer with others," sabi ni Chin-Sood.

"Kasi akala ng iba, lahat ng mga seafarers nagtititktik lang ng kalawang sa barko, at hindi rin alam ng karamihan na may mga babae ring nag-e-exist dito," dagdag niya.

Sinabi ni Chin-Sood na ang kaniyang work environment ang nagbibigay sa kaniya ng pagkakataong idokumento ang kaniyang buhay sa dagat, isang bagay na hindi aniya nararanasan ng maraming tao.

Pagiging Pilipino

Libu-libong kilometro man ang layo mula sa kaniyang tahanan, sinabi ni Chin-Sood na lagi niyang dala-dala ang pagiging Pilipino sa kaniyang trabaho at kung saan man siya maglakbay.

"As a Pinay at sea, I carry with me the values of bayanihan and malasakit, which is a deep sense of care for others," sabi niya.

Ang mga katangiang ito ng mga Pilipino ang gumabay sa kaniya upang maging mahusay sa trabaho at nakatulong sa kaniya na manatiling konektado sa mga dayuhang komunidad saanman siya magpunta, pagbabahagi ni Chin-Sood.

Bilang isang marino, ipinagmamalaki niya hindi lamang ang pagiging isang babae, kundi dahil mayroon din siyang mahalagang papel sa isang napakahalagang industriya.

"I am proud to be a seafarer because it allows me to contribute to global trade and be part of an essential industry, and I know that the work that I do makes a difference in the world," sabi ni Chin-Sood.

"And para naman sa mga babaeng seafarer (for the female seafarers), know that you can break barriers and prove that we can excel in any field. Don't let anyone limit your dreams. Your strength is limitless," dagdag ni Chin-Sood. —VBL GMA News