Inisyuhan ng show-cause order ng Land Transportation Office (LTO) ang isang tricycle driver na nahuli-cam na tila nag-e-exhibition dahil patagilid sa pag-arangkada sa Quezon City. Depensa niya, na-flat ang gulong sa sidecar.
Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Biyernes, sinabing pinagpapaliwanag din ng LTO ang operator ng tricycle.
Nahanap ng QCPD Traffic Enforcement Unit ang 41-anyos na driver, nagpaliwanag na na-flat ang isang gulong ng tricycle kaya gano'n ang naging patakbo niya sa sasakyan.
Pero natuklasan din ng mga awtoridad na bukod sa kolorum o walang prangkisa ang tricycle, wala ring naipakitang lisensiya ang driver.
Dahil dito, in-impound ang kaniyang tricycle. Sinusubukan pa ng GMA News na makuhanan ng pahayag ang naturang tricycle driver. – Jamil Santos/FRJ GMA News
