Hindi bababa sa 28 katao ang nasawi matapos masunog ang gusali ng isang pabrika ng sapatos sa Quanzhou, China.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Biyernes, mapapanood ang nag-viral na video na makikita ang dalawang tao na na-trap sa rooftop ng nasusunog na gusali.

Sa isa pang video, makikita naman ang naglalagablab na apoy sa iba pang bahagi ng gusali na nabalot nang makapal at maitim na usok.

Ayon sa state-run Xinhua News Agency ng China, mayroong 239 katao ang nasa loob ng gusali nang magsimula ang sunog.

Nasa mahigit 200 katao umano ang nasagip sa insidente.

Ipinag-utos na ng kanilang pangulo na si Xi Jinping, na imbestigahan ang sanhi ng sunog. – FRJ GMA News