Patay ang isang Lineman nang aksidenteng makuryente habang nagkakabit ng karagdagang transformer sa poste ng ilaw sa Barangay Tapuac sa Dagupan City, Pangasinan.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Arnel Idos, na anim na taon nang nagtatrabaho bilang lineman ng Dagupan Electric Corporation (DeCorp).
Ayon kay barangay chairman Sidney Lomboy, kumalas ang isang linya ng kuryente sa connection nito mula sa pinaka-mainline.
“Aksidente lang na kumalas talaga at sumagi somewhere sa katawan niya,” ani Lomboy.
Dinala sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay.
Sa patatanong ng opisyal ng barangay sa kasamahan ng biktima, sinabi umano na kompleto naman sila safety gear nang mangyari ang insidente.
Hirap naman ang ina ng biktima na si Elsa, na tanggapin ang nangyari sa binatang anak.
Hiling niya, magkaroon ng imbestigasyon para malaman kung ano talaga ang nangyari.
Nagsasagawa na umano imbestigasyon ang DeCorp sa insidente, at tiniyak din ang tulong na ibibigay nila sa mga naulila ni Idos.
“Lahat naman ng services, pangangailangan siyempre sa DeCorp side ‘yon. Yun ‘yung immediate na assistance (na ibibigay),” ayon kay Atty. Randy Castilan, Chief Operating Officer, DeCorp. – FRJ GMA News
