Ibinahagi ni Camille Prats na kasalukuyan siyang nag-aaral ng online course tungkol sa artificial intelligence (AI) platforms para mas magabayan niya ang kaniyang mga anak kung paano gamitin ang mga ito nang tama.

Sa isang episode ng podcast na "Kami Ang Inyong Mga...", ibinahagi nina Camille, Iya Villania, at Suzi Entrata-Abrera ang kanilang mga saloobin tungkol sa lumalawak na kasikatan ng AI.

Inilahad nina Suzi at Iya na tutol sila rito, pero sinabi ni Camille na sinusubukan niya namang intindihin ito.

"Gusto kong malaman kung anong kaya niyang gawin at kung ano din 'yung limitations niya, ano 'yung strengths niya para at the same time kaya ko 'tong ituro sa mga anak ko," sabi ni Camille.

"Kasi mahirap kapag mas maalam sila kaysa sa akin eh. Kailangan mas maalam ako. So I got this online course so whenever they're doing it, makikita ko," pagpapatuloy niya.

Sinabi ni Camille na napansin niyang mas pamilyar ang mga Gen Z at Gen Alpha sa AI. Katunayan, mabilis na natutukoy ng kaniyang anak na si Nathan ang mga AI video at tinuruan pa siya nito ng ilan sa mga bagay na dapat niyang bantayan.

"Minsan, tayo pa actually ang nabubudol," sabi niya.

Samantala, sinabi ni Suzi na kapaki-pakinabang ang AI kung gagamitin bilang isang kasangkapan, ngunit nagbigay din ng isang paalala.

"Hindi mo siya din dapat gamiting crutch na natututo ka pa lang mag-aral, ginamit mo na siya. Dapat aral ka na at gagamitin mo siya for furthering your knowledge," sabi ni Suzi.

Sinabi niya na kapag ginagamit na ang AI para sa mga homework, hindi na nag-iisip ang mga tao para sa kanilang mga sarili.

Ipinunto pa ng "Unang Hirit" host na maaaring magkamali ang AI at hindi laging nakapagbibigay ng eksaktong impormasyon.

"If you're a learned person, makikita mo din, lalo na kung libre lang 'yung AI mo, 'yung mura-mura... may butas siya eh," sabi niya.

Ikinabahala pa ni Suzi na maaaring ituring ng mga kabataang gumagamit ng AI bilang pangunahing mapagkukunan ng impormasyon, na tama ang lahat ng sinasabi nito.

"Dahil may alam kami, dahil tumanda na kami, alam namin na parang mali ito kasi I've chanced upon this before and it's not the same. Eh kung bata ka, you take it as the truth talaga," sabi niya.

Sa panig naman ni Iya, sinabi niyang may mga bagay tungkol sa AI na hindi niya kayang tanggapin, kahit na gustung gusto naman ito ng kaniyang asawang si Drew Arellano.

"Buti na lang graduate na si Drew. Pero kasi kung hindi malamang 'yung thesis niya, baka si DeepSeek or si Claude 'yung gumawa," biro niya.

Kabilang ang DeepSeek at Claude sa mga generative AI platform na inilunsad nitong mga nakaraang taon, kasama ang Gemini, Copilot, at ChatGPT.

Naglabas ang Department of Education ng mga alituntunin sa AI para sa basic education, na binibigyang-diin na dapat itong magsilbing suporta lamang at hindi kapalit para sa pag-iisip o paggawa ng desisyon ng isang tao.

Jamil Santos/FRJ GMA News