Natagpuang palutang-lutang sa magkahiwalay na insidente ang dalawang bangkay sa Baseco, Maynila. Ang isa sa kanila, nahulog umano sa tubig dahil sa kalasingan.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing isang bangkay ng lalaki ang nakita sa bahagi ng Riverview madaling araw ng Huwebes.

Sinabi ng pulisya na natagpuan ang bangkay ng isang menor de edad.

Hindi residente sa lugar ang biktima at posibleng inanod matapos ang Habagat at Bagyong Inday.

“Malakas 'yung hangin, malakas 'yung agos ng tubig. Malayo na rin, almost two hours na rin bago na-rescue rin dahil wala namang magre-rescue agad doon dahil malalim ang tubig,” sabi ni Police Major Armando Linget, Deputy Station Commander ng Baseco Police Station.

Kasalukuyang hindi masabi ng mga awtoridad kung may foul play ang pagkamatay ng biktima dahil kailangan pa itong isailalim sa autopsy.

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, nakita ng mga awtoridad ang isang social media post tungkol sa isang nawawalang lalaki sa Las Piñas.

May kagaya itong damit noong huli siyang nakita, sa suot naman ng bangkay ng biktima kaya agad silang nakipag-ugnayan sa pamilyang naghahanap.

“Same identity, possible na siya na. Kaya lang bloated na siya, talagang for investigation muna siya,” sabi ni Linget.

Kinumpirma sa GMA News ng isang kaanak na ang nawawalang lalaki na hinahanap nila ang bangkay na natagpuan.

Gayunman, wala pang linaw kung ano ang dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Samantala, isang palutang-lutang na bangkay rin ang natagpuan sa pool barge area ng Baseco noong Hulyo 4.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na isang bargeman sa lugar ang biktima, at posibleng nalunod matapos mahulog sa tubig habang lasing.

“Nahulog daw po. Alam nila na sumisisid din 'yung tao, lumalangoy din...nakita na lang nila, lumulutang, patay na,” sabi ni Linget. — Jamil Santos/VBL GMA News