Arestado ang tatlong manggagawa sa isang resort sa Pagbilao, Quezon matapos umanong nakawin mula sa fishpond at katayin para paghati-hatian ang isang dambuhala at pambihirang isda na Arapaima. Ang halaga umano ng isda, P7 milyon.
Ayon sa ulat mula sa Pagbilao Municipal Police Station, tanghali noong Lunes, Hulyo 6, 2026, nang makatanggap ng tawag ang security guard ng resort tungkol sa nangyari pagkuha sa dambuhalang isda na 23 taon na, may habang 6.7 feet at tinatayang may bigat na 90 kilograms.
Sa naturang araw din, sinabi ng isang saksi na nakita niya ang tatlong suspek nang kunin ang isda sa fishpond at dinala sa isang bahay na nasa loob din ng besinidad ng resort.
Kinalaunan, nakita na lang umano ng saksi ang isda na patay na at planong paghati-hatian ng mga suspek.
Kaagad umanong nagsumbong ang saksi sa kanilang foreman, na tumawag naman sa security guard, at kinalaunan ay itinawag sa pulisya.
Inaresto ang tatlo na mahaharap sa kaukulang reklamo dahil sa ginawa sa dambuhalang isda. -- FRJ GMA News

