Uso ang mga sakit pagsapit ng tag-ulan. Alamin kung anu-ano ang mga sakit na ito at ano ang kailangang gawin para hindi magkasakit?

Sa nakaraang episode ng Unang Hirit, ipinaalala ni Dr. Ed Marvin Hilario, isang pulmonary medicine specialist, ang acronym ng Department of Health na “W.I.L.D.,” na tumutukoy sa mga sakit na puwedeng makuha ngayong tag-ulan”

  • Waterborne diseases: Kabilang ang Cholera, Typhoid, Amoebiasis, at iba pang sakit mula sa pag-inom ng maruming tubig
  • Influenza-like sickness: Influenza common cold at COVID - 19
  • Leptospirosis – Nakukuha mula sa ihi ng daga na madalas nasa baha at
  • Dengue – nakukuha mula sa kagat ng lamok na Aedes aegypti.

May ilan pang palatandaan para malaman kung dulot lang ng panahon ang dumapong karamdaman.

“Kapag panahon lang ang dahilan, kung nagkakasakit tayo, kadalasan nag-improve ito kaagad. So for example, nasa labas po tayo, nalamigan tayo, pumasok tayo sa loob ng bahay, mainit na sa bahay, dapat pagdating sa bahay, mas gumaganda ‘yung pakiramdam natin,” paliwanag ni Hilario.

“Pero kung sakali 'yung sakit po ninyo is tuloy-tuloy po, halos isang linggo na, dalawang linggo ka na nagkakasakit, maaaring kayo ay tinamaan na ng sakit po,” dagdag niya.

Ayon pa sa doktor, kadalasang isang linggo lamang tumatagal ang mga viral infection. Ngunit kapag umabot na ito ng mahigit isang linggo at mataas pa rin ang lagnat ng pasyente, maaari na itong senyales ng bacterial infection.

Ilan sa maaaring gawing home remedies ang pag-inom ng salabat at oregano para mag-recover ang immune system. Ngunit nilinaw ni Hilario na hindi ito maaaring maging gamot.

Tungkol naman sa pagsusuob, maaari nitong mapaluwag ang bara sa ilong. Gayunman, hindi ito nirerekomenda dahil sa ilang ER cases na may napaso o nabanlian dahil sa napakainit na tubig.

Iwas-hawa

Nagbigay din si Hilario ng ilang panuntunan para maiwasang makahawa ng sakit, lalo na sa trabaho.

“So, unang una po, kapag tayo ay nagkaroon ng sintomas o nagkasakit tayo, mas mabuti na mag-sick leave na lang kaysa 'yung papasok tayo sa opisina natin tapos makakahawa tayo ng ibang kasamahan sa trabaho,” payo niya.

“Number two, kung hindi talaga maiwasan pumasok sa trabaho, magsuot na lang ng mask,” dagdag pa niya.

Kung uubo, gumamit ng tissue, panyo, na pantakip sa bibig.

Ugaliin ding maghugas nang mabuti ng kamay, na sasabayan ng pagkanta ng “Happy birthday,” dahil kasinghaba ito ng kailangang oras sa paghuhugas para maging malinis ang kamay.

Tunghayan sa Unang Hirit kung may basehan ang ilang mga paniniwala gaya ng pag-inom ng isang basong tubig pagpasok sa bahay kapag naulanan, at kung magkakasakit kapag nabasa sa ulan at hindi nakapagbanlaw. Panoorin. – FRJ GMA News