Sumabog mula sa isang bahay ang isang tangke ng LPG, na pinalitan habang ginagamit pa umano sa pagluluto sa General Mariano Alvarez, Cavite.

Sa ulat ni Jonathan Andal sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang pagkabulabog ng mga taga-Barangay Gavino Maderan matapos may biglang sumabog mula sa isang bahay.

Nagkalat ang mga gamit sa kalsada, habang napalabas ng kanilang bahay ang mga residente.

Ilang saglit pa, isang lalaking gutay-gutay ang gamit ang lumabas.

Nahagip din ng CCTV na lumabas ang isang ginang na nakaputing bestida.

"'Yung dalawa po is mag-nanay tapos 'yung isa, kasama nila sa bahay, batang babae," Jayson Paulino, Barangay Secretary, Barangay Gavino Maderan.

Lumabas sa imbestigasyon na magpapalit ng LPG tank ang lalaking anak habang nagluluto ng pagkain ang tindera niyang ina, nang mangyari ang pagsabog.

"Naka-open daw ang kanilang isang burner. Parang hinigop daw ng gasul ito 'yung apoy. Doon na po nag-umpisa ang pagsabog,” sabi ni Paulino.

Sa lakas ng pagsabog, nadamay ang katapat na bahay.

"'Yung kaharap na bahay, 'yung mga salamin nila, sa bintana. Sa pintuan nila, 'yung glass door nila, nabasag," sabi pa ni Paulino.

Agad na itinakbo sa ospital ang mag-ina habang sugatan din sa pagsabog ang anak na babae na nasa ikalawang palapag ng bahay.

Patuloy ang imbestigasyon sa pagsabog.

Nagpapaalala ang Bureau of Fire Protection na huwag gagalawin ang LPG tank habang ginagamit; ilagay ito sa well-ventilated area; at ugaliin din ang regular na pagsusuri kung may leak o crack. — Jamil Santos/VBL GMA News