Natupad ang hangarin ni Dingdong Avanzado na sa bahay niya maipagdiwang ang kaarawan at hindi sa ospital kahit hindi pa siya lubos na magaling. Ang kaniyang pag-uwi, may basbas naman ng kaniyang duktor.
Sa kaniyang Instagram account, ibinahagi ng mang-aawit ang video na kasama niya ang kanilang alagang aso. Ipinaliwanag niya kung bakit niya gustong umalis ng ospital, kahit pansamantala lang.
“Despite not yet being completely well, I didn’t want to spend my birthday in the hospital so I requested that I be allowed to go home and just return to the hospital to have my antibiotics administered via IV,” sabi ni Dingdong sa caption.
Dagdag pa niya, ang kanilang alagang aso ang isa sa mga pinakamalaking dahilan kung bakit gusto niyang umuwi.
“This little fellow here is the reason why I wanted to be at home,” sabi niya. “Such a sweet Tato Boy. Thank you for all the love and care you show us.”
Pinasalamatan din ni Dingdong ang lahat ng bumati sa kaniya sa kaniyang kaarawan at nag-alay ng panalangin sa kaniyang paggaling.
“To everyone who reached out and greeted me on my birthday and wished me a speedy recovery, I am deeply grateful for your thoughtfulness and genuine concern as well as your prayers,” sabi niya. “I am still far from being 100 percent but by God’s grace, I know I will get there in due time.”
Nauna rito, ibinahagi ng asawa ni Dingdong na si Jessa Zaragoza ang kinaharap na pagsubok sa kalusugan ng kaniyang mister na ilang beses nagpabalik-balik sa ospital simula noong Hunyo.
Ayon pa kay Jessa, sumailalim si Dingdong sa operasyon at muling na-admit pagkatapos kaya ipinagpaliban niya ang ilang mga trabaho para maalagaan ito.
Hindi idinetalye ni Jessa ang dahilan ng pagkakaospital ni Dingdong, ngunit pinasalamatan niya ang medical team nito, kabilang ang kaniyang cardiologist, urologist, at infectious disease specialists.
Ikinasal sina Dingdong at Jessa noong 2001. Kamakailan lamang, ipinagdiwang nila ang kanilang ika-25 anibersaryo bilang mag-asawa. May isa silang anak na babae na si Jayda.
-- Jamil Santos/FRJ GMA News

