Patay ang isang 29-anyos na lalaki matapos siyang saksakin ng kaniyang 22-anyos na kinakasamang babae dahil umano sa kanilang hidwaan sa Novaliches, Quezon City. Ang biktima, sinapa pa ng suspek na tila inakalang 'nagda-drama" lang.
Sa ulat ni James Agustin sa GTV News Balitanghali nitong Miyerkoles, mapanonood sa CCTV footage ang biglang pagbulagta ng biktima sa kalsada bandang 3:00 ng madaling araw nitong Linggo sa Barangay Gulod.
Ilang saglit pa, nilapitan ang lalaki ng kaniyang kinakasamang babae at sinipa siya nang dalawang beses.
Madidinig din ang boses ng babae na nagsabing, “Ano, patay ka na? Patay-patayan ka? Drama, drama ka. Papatayin kita.”
Isinugod sa ospital ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival matapos magtamo ng saksak sa dibdib.
“‘Yung pinagbagsakan po ng biktima ay more or less 15 meters away sa bahay nilang dalawa ng mag-live in partner. According sa ating first responders, nagkaroon po ng kaunting habulan,” sabi ng Police Lieutenant Benhur Jose, Novaliches Police Deputy Officer.
Nadakip na rumespondeng pulisya ang 22-anyos na babaeng suspek, habang nakuha sa lugar ang kitchen knife na ginamit niya sa krimen.
Batay sa pulisya, mag-aapat na taon nang mag-live-in partner ang biktima at suspek.
Bago ang pananaksak, nagmula sa magkahiwalay na inuman ang dalawa.
“Nagkaroon po ng hidwaan ‘yung mag-live in partner. Itong si lalaki kasi may anak sa kaniyang unang asawa. According sa imbestigasyon namin, sinasaktan daw ‘di umano ni suspek itong anak ni victim kaya nagkaroon ng ganoong pangyayari,” ayon kay Jose.
Nakabilanggo na sa detention facility ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD sa Camp Karingal ang suspek, na umamin sa nagawang krimen.
“Ginawa ko po pero hindi ko naman po sinasadyang mapatay. Sinasaktan niya po kasi ako eh… Nagsisisi po, hindi ko po alam,” anang suspek.
Ang nanay ng biktima, itinanggi na sinaktan ng kaniyang anak ang babaeng kinakasama.
“Hindi po totoo ‘yun. Naglabas nga rin po siya ng ano doon sa Kuwatro na lahat daw po kami na kamag-anak niya nananakit sa kaniya. Pero kahit pitik or hampas wala siyang natikman sa amin,” sabi ng ina ng biktima.
Nagdadalamhati naman ang ina ng biktima sa insidente.
“Kahit sa panaginip hindi ko akalaing kaya niyang gawin ‘yun sa anak ko eh. Simula siyam na buwan, dinala ko sa tiyan hanggang sa paglaki. Minahal ko tapos kinatay niya lang na parang baboy,” sabi ng ina ng biktima. – Jamil Santos/FRJ GMA News
