Dinala sa ospital ang American celebrity blogger na si Perez Hilton matapos rumesponde ang mga awtoridad sa kaniyang bahay kasunod ng nakaaalarmang livestream sa TikTok.
Ayon sa ulat ng People, na binanggit ang Miami-Dade Sheriff's Office (MDSCO), pinutahan nitong Miyerkules (oras sa Pilipinas) ng mga awtoridad ang bahay ni Hilton sa Florida matapos makatanggap ng maraming tawag mula sa mga nag-aalalang social media users na nakapanood ng naturang livestream.
Pagdating ng mga awtoridad, natagpuan nila si Hilton na nag-iisa sa loob ng kaniyang bahay, kung saan isinagawa ang livestream.
Sa tulong ng Miami-Dade Fire Rescue, ligtas na dinala ng mga deputy ng MDSCO si Hilton sa isang kalapit na ospital para isailalim sa medical evaluation at gamutan.
Ipinadala rin ang Crisis Response Unit at mga licensed mental health professionals upang magbigay ng suporta sa pamilya ni Hilton.
Sa naunang pahayag na ipinadala sa Newsweek, sinabi ng MDSCO na pinili ng mga deputy na "tactically disengage” kay Hilton habang mino-monitor nila ang sitwasyon.
"In many incidents involving a person experiencing a mental health crisis or actively harming themselves, deputies prioritize de-escalation by creating time, distance, and opportunities for communication,” ayon sa MDCSO.
“Unless there is an immediate threat to others, slowing the situation and utilizing crisis intervention techniques can reduce the likelihood of a suicide-by-cop encounter and minimize the risk of injury to the individual, deputies, and the public," dagdag nito.
Sa livestream ni Hilton, na kalaunan ay inalis na sa TikTok, makikita siya na tila sinasaktan ang sarili at nababalot ng tila dugo. SInuspinde na rin ang kaniyang account sa nasabing platform.
Si Perez, o Mari Armando Lavandeira Jr. ang tunay na pangalan, ay sumikat bilang media at blogger personality noong dekada 2000 dahil sa kaniyang kontrobersiyal na celebrity blog na PerezHilton.com.—Jade Veronique Yap/FRJ GMA News
