Sinuspinde ng Malacañang ang mga klase at trabaho sa pambansang pamahalaan sa National Capital Region (NCR) at ilang lugar pa sa Luzon simula 3:00 pm nitong Miyerkules dahil sa pag-ulan na epekto ng bagyong “Maymay” at Habagat.

Sa ilalim ng Memorandum Circular No. 121 na nilagdaan ni Executive Secretary Ralph Recto, ipinatupad ang suspensiyon ng klase batay sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Kinansela ang klase at pasok sa gobyerno sa mga sumusunod na lugar:

  • National Capital Region
  • Abra
  • Ilocos Sur
  • La Union
  • Benguet
  • Pangasinan
  • Zambales

“Agencies involved in the delivery of basic and health services, preparedness/response to disasters and calamities, and/or the performance of other vital services are hereby directed to continue their operations and render the necessary service,” nakasaad sa memorandum.

Ipinaubaya naman ng Malacañang sa mga pinuno ng mga lokal na pamahalaan ang pagpapasya kung magsususpinde ng klase sa iba pang lugar. Nasa pasya na rin ng mga employer ang desisyon kung sususpindehin ang ang trabaho sa pribadong sektor. – Jean Mangalum/FRJ GMA News