Kinagigiliwan at kinabibiliban ang tao sa loob ng capybara mascot dahil sa pakulo niyang pag-headstand, pag-tumbling at iba pa upang mapasaya ang mga tao sa isang mall sa Pampanga. Pero ang mas kahanga-hanga, isa pala siyang working student at isinasabay ang online class sa loob ng costume upang matupad ang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral.

Sa nakaraang episode ng “Good News,” ipinakilala ang 19-anyos na working college student na si Nico Justin Dulay, na ginusto na noon pa na magkaroon ng part-time job para masuportahan ang sarili sa pag-aaral.

“Bukod po sa nagpapasaya po kami ng mga tao, lalo na po 'yung mga bata, medyo na-enjoy ko na po siya kasi naging way ko na po siya para hindi na magsawa. Parang ‘di ko na po siya matanggal. Nu’ng umpisa po ako mag-mascot, tuloy-tuloy na po siya… ‘Pag ‘di po ako makakapag-mascot, parang kulang po 'yung araw ko,” sabi niya.

Sa loob ng mascot, isinasabay ni Nico ang pakikinig sa kaniyang online class.

Aminado siyang mahirap ito pero nababalanse naman niya dahil Biyernes hanggang Linggo lang ang kaniyang pagma-mascot.

Ipinagtapat ni Nico sa kaniyang propesor na hindi niya maasikaso ang pag-aaral sa trabaho, pero makikinig siya habang nasa loob ng mascot.

Nauunawaan naman daw ng kaniyang propesor ang kaniyang sitwasyon. At nang minsan na natanong tungkol sa kanilang subject sa online class, nakasagot naman daw siya.

Samantala, kapag nauhaw at nagutom sa loob ng mascot, may baon naman siyang panyo, tubig at biskwit, at doon na kakain.

Viral na headstand

Matatandaang nag-viral ang capybara mascot ni Nico dahil sa pag-headstand nito.

Sa likod nito, “it's a prank lang” dahil sa tuwing tumatambling o mag-headstand ang Capybara mascot, nakatayo pa rin si Nico sa loob.

Kasa-kasama ni Nico ang mga kaibigang sina Chino Marcelo, Jericho Laquindanum, JM Grefaldeo, at Jimboy Gonzales sa pagma-mascot.

Sulit naman ang kada punas ng kanilang mga pawis, dahil sa mga naghuhulog sa kanilang tip box.

Ang handler nilang si Bernadette Jabonette, na dati ring mascot performer noong 2021 ang nagsimula nito.

“So ako po kasi as solo parent, wala na po akong hinihindian. Noong nag-start po ako na nag-mascot ako, na-appreciate ko po siya na ang sarap palang magpasaya. At the same time, mahirap at nakakapagod pero nandu’n po 'yung willingness ko po kasi mag-share po ng happiness sa iba,” sabi ni Berna.

Ayon sa kaniyang mga kaibigan, tahimik at mahiyain si Nico pagkatapos ng show.

“Unique po talaga siya for me kasi sobrang tahimik po niyang tao. Pero pagka nandu’n po siya sa mascot, nag-iiba po 'yung energy niya. From nonchalant, nagiging ano po siya eh, makulit,” sabi ni Berna.

Tunay na buhay

Taliwas sa masaya niyang capybara mascot, may kuwento ng kalungkutan sa tunay na buhay si Nico.

“Kumukuha po ako ng isda tapos palaka para lang may makain kami,” kuwento ni Nico, na pumasok na rin sa ilang trabaho kasama ang ama.

“Minsan po, sinasamaan ko po siya sa pagtitinda ng hito, pagtitinda ng pakwan, na masada po kami ng madaling araw,” emosyonal niyang kuwento.

Nakadagdag pa sa hirap ng buhay ang paghihiwalay ng kaniyang mga magulang. Kasalukuyang nasa Nueva Ecija ang kaniyang ama samantalang nasa Pampanga ang kaniyang ina.

Nasa Cagayan naman ang kaniyang kapatid.

Solo nang namumuhay si Nico, na mahigit isang taon nang huling makita ang pamilya.

“‘Yun nga po, matagal ko na po silang medyo hindi nakakasama kasi minsan po, busy po kami sa mga kaniya-kaniya namin trabaho. Kaya minsan po, medyo malungkot po talaga kasi nagpapasaya ka po ng ibang tao. Tapos 'yung sarili mo, hindi mo po mapasaya,” saad niya.

“Tinatanggap ko naman po. Pero alam po naman po sa sarili ko na balang araw, makakasama ko rin po sila,” hiling ni Nico. “Nami-miss ko lang po 'yung dati po, magkakasama pa po kami na wala pa po kami 'yung kaniya-kaniyang responsibility, lalo na po ako.”

Tunghayan sa “Good News” ang emosyonal na sorpresa ng pagkikita nina Nico, at ng kaniyang ama at ina. Panoorin. – FRJ GMA News