Isang mag-live-in partner ang nasawi, habang dalawang rider pa ang nasugatan matapos magkarambola ang apat na motorsiklo sa Davao City.
Sa ulat ni Jandi Esteban sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa kahabaan ng Davao-Bukidnon Road sa Barangay Catalunan Pequeno, Davao City, kaninang 3:00 am.
Sa isang viral video sa social media, makikitang mabilis ang takbo ng mga motorsiklo bago bigla na lamang nagkabanggaan ang ilang sa mga ito at tumilapon sa kalsada.
Batay sa imbestigasyon ng Davao City Police, tatlo sa mga motorsiklo ang patungong hilaga. Isang motorsiklo na minamaneho ng isang 19-anyos na lalaki ang umano'y bumangga sa likuran ng motorsiklong sinasakyan ng mag-live in partner bago ito sumalpok sa isa pang motorsiklo.
Sa lakas ng salpukan, tumilapon mula sa mga motorsiklo ang mga sakay nito.
Iniulat din na natanggal ang isang gulong ng motorsiklong minamaneho ng 19-anyos na lalaki at tumama ito sa isa pang motorsiklo na nasa kabilang linya ng kalsada.
Dead on the spot ang mag-live-in partner, habang nasugatan naman ang rider ng motorsiklong nasa kabilang linya.
Sugatan din at dinala sa ospital ang 19-anyos na lalaki.
Nagawa naman ng isa pang rider na tumakas.
Ayon kay Police Major Jemuel Mamolang, commander ng Baliok Police Station, hinahanap nila ang rider na tumakas sa insidente.
Inaalam din ng mga awtoridad kung totoo na posibleng lumalahok ang mga motorsiklo sa isang ilegal na drag race. Pero sa ngayon, ikinukunsidera nila na nag-ugat ang insidente dahil sa reckless driving. – FRJ GMA News
