Mas maraming produktong Pinoy ang maaaring angkatin ng Poland, ayon sa kanilang agriculture ministry. May mga posible ring trabaho na iaalok sa mga Pinoy sa naturang bansa na nasa Europa.

Sa isang ulat kamakailan ni JP Soriano sa GTV News State Of the Nation, sinabi nito na matatapuan ang Poland sa sentro ng Europe, na tinagurian ding Land of Fields.

Sa ngayon ang Poland umano ang ikatlong pinakamalaking supplier ng chicken meat sa Pilipinas, lalo na ang mechanically deboned meat.

Isa rin sa ipinagmamalaki ng Poland ang kanilang mga mansanas na dumadaan sa matinding quality control.

Ayon kay Stefan Krajewski, Polish Minister of Agriculture and Rural Development, malapit na ring nilang ipaangkat sa Pilipinas ang kanilang mga mansanas.

Pinag-aaralan na rin ang posibilidad na pag-export nila sa Pilipinas ng mga consumer grade grains, partikular ang wheat, onions at blueberries.

Samantala, malapit na rin ang mag-export ng mga Pinoy ng agricultural products nito sa Poland dahil sa pagsasapinal ng Philippine-EU Free Trade Agreement.

Inaasahan na mas lalo pang dadami ang inaangkat na mga mangga at avocado ng Poland mula sa Pilipinas.

Pagdating sa trabaho, sinabi ni Krajewski na may mga oportunidad na naghihintay sa mga Pinoy workers sa Poland, gaya sa sektor ng agrikultura, rural development, processing industry, at food production. – FRJ GMA News