Bagaman itinuturing “Ghost Month” ang buwan ng Agosto, ipinaliwanag ng Feng Shui master na si Johnson Chua na hindi naman dapat katakutan ang pag-alaala sa mga yumao.
"We're honoring the dead, the souls, and our loved ones. So sana ma-treat natin 'to as a much more, as a better month, not a bad month," paliwanag ni Chua sa video.
Kilala rin bilang Ghost Festival o Hungry Ghost Festival, ipinagdiriwang ito tuwing ikapitong buwan sa Chinese Lunar Calendar, at walang permanenteng petsa.
BASAHIN: Agosto, bakit nga ba pinaniniwalaang 'Ghost Month?
Kaya naman nagbabago ang araw ng paggunita nito bawat taon na kagaya ng Semana Santa para sa mga Katoliko, na walang eksaktong petsa para sa paggunita ng Linggo ng Pagkabuhay o Easter Sunday.
Ngayong taon, magsisimula ang Ghost Month sa Agosto 13 at magtatapos sa Setyembre 10. Pero ang mismong araw ng pagdiriwang ay itinakda sa Agosto 27.
"This is not a bad month, it's a celebration," paliwanag ni Chua, na nagsabi rin na maaaring mag-alay o magsagawa ng simpleng dasal.
Sa isa pang video, ibinahagi ni Chua ang ilang mga bagay na mainam na iwasan sa panahon ng Ghost Month. Kabilang ang pag-uwi nang gabi o pananatili sa labas hanggang hatinggabi.
"There are lots of spirits in the environment [at night] and mas magiging mabigat yung aura natin," paalala niya. Ipinaliwanag din niya na sa gabi, "mas malakas ang spirits and hindi natin ma-distinguish if positive or negative spirit."
Ipinayo rin ni CHuan na iwasan ang paglangoy o pag-swimming, lalo na sa gabi.
"May kasabihan na ghosts are attracted to water because water is also yin. Iwas sa water and swimming accidents," patuloy niya.
Kung talagang nais mag-swimming, gawin na lang ito sa umaga.
Ayon pa kay Chua, dahil hindi umano nasa pinakamataas na antas ang ating enerhiya sa Ghost Month, mas mainam na ipagpaliban ang mga mahahalagang gawain tulad ng:
- Paglagda sa mga kontrata
- Malalaking renovation o pagpapagawa ng bahay
- Pagsisimula ng negosyo
“We don't want to start something during ghost month," sabi pa ni Chua.
Sa Feng Shui, inihalintulad niya ito sa kasabihan umano sa Ingles na, "first impressions last."
"First energy also lasts. During Ghost Month, mababa yung energy natin so that's why iniiwasan natin siya (na magsimula ng bago)," sabi ni Chua.
Idinagdag ni Chua, na naaakit umano ang mga espiritu sa pagkain at kasiyahan, kaya ipinapayo niyang iwasan muna ang mga kasal, engagement, at malalaking salu-salo o party sa panahong ito.
"They are attracted to food and entertainment. Mamaya, makiki-join sila tapos wala naman tayong inihanda for them, mamaya magtampo sila, may tendency, puwede tayo ma-curse. Kaya iniiwasan natin siya," babala niya.
Ipinayo rin ni Chua na huwag mamulot o kumuha ng mga bagay na nasa labas, gaya ng pagkain o coins. Karaniwan daw kasing ginagawang alay para sa mga yumao ang pagkain at coins na iniiwan sa labas ng bahay.
Posible raw isipin ng mga kaluluwa na para sa kanila ang mga iniwang bagay sa labas ng bahay, kaya kung pupulutin o kukunin ito ng tao, maaari umanong “sumunod sila sa atin."
Kung magkakamali naman na kumuha o pumulot ng pagkain o barya, makabubuting i-donate o ibinigay ito sa nangangailangan.
Ipinayo rin ni Chua, na huwag makipag-usap sa mga kaluluwa dahil, "sometimes words become a sword. Itong curse energy, sometimes, those words can cause emotional energy and sometimes cause negativity" at emotional instability.
"Pag negative ang emotion, may tendency bumababa ang aura natin. Mas mabilis ma-possess at mapaglaruan kapag bagsak ang emotions natin," paliwanag niya. Kung minsan, pinapababa rin umano ng negative emotions ang talino at critical thinking ng tao na dahilan para makagawa ng maling desisyon.— FRJ GMA News

