Tumakas mula sa kaniyang amo sa Saudi Arabia ang isang Pinay na Overseas Filipino Worker (OFW) na tubong-Negros Occidental dahil sa naranasan nitong pagmamaltrato at hindi rin pinapakain. Kaagad naman siyang sinagip ng embahada ng Pilipinas doon nang malaman ang kaniyang sitwasyon.

Sa ulat ni Aileen Pedreso sa GMA Regional TV News nitong Martes, sinabing nasa ilalim na ng pangangalaga ng Philippine Embassy sa Saudi ang OFW na si “Maria.”

Pinoproseso na rin umano ng Department of Migrant Workers (DMW) ang kaniyang mga papel upang makauwi na siya sa kaniyang pamilya sa bayan ng Isabela sa Negros.

“Pina-process na ngayon ng Department of Migrant Workers ang pagpapauwi sa kaniya sa Negros,” pahayag ni Isabela Mayor Miguel Angelo Yulo.

Base sa impormasyon na mula sa embahada na ipinarating sa asawa ni Maria, tumakas ang OFW dahil sa ginagawa umanong pananakit ng amo, hindi siya pinapakain at ikinukulong din.

Nang tumakas si Maria, nakita siya ng isa ring OFW at ipinost sa social media ang kaniyang sitwasyon. Ito ang naging daan upang masagip siya ng embahada ng Pilipinas doon.

Taong 2023 nang magtungo si Maria sa Riyadh, Saudi Arabia, at naiwan sa Pilipinas ang kaniyang mister at tatlong anak.

“Sa huli niyang tawag sa aking ng March, sabi niya hindi na niya kaya ang kaniyang trabaho. Umiiyak siya. Hindi na siya namin ma-contact,” ayon sa mister ni Maria.

“Sinasaktan raw siya at hindi pinapakain. Sabi niya, hindi na siya kumakain. Kinukulong raw. Umiinom na lang siya ng tubig. Sinasaktan siya. Marami nga siyang pasa sa likod,” dagdag nito.

Ayon sa Public Employment Service Office (PESO) sa Isabela, “stable” na ang kondisyon ni Maria.

Magbibigay din ng tulong ang pamahalaang panlalawigan ng Negros Occidental sa pamilya ng OFW.

“What’s important is that there is already an action by the national government to bring her back in Negros Occidental. When she is back here, we will address the situation,” sabi ni Negros Occidental Governor Eugenio Jose Lacsion. – FRJ GMA News