Hindi nagsumite ng mga opisyal na resibo ang Office of the Vice President (OVP) sa liquidation report nito tungkol sa P125 milyon na confidential funds noong 2022, ayon sa isang saksi mula sa Commission on Audit (COA) na humarap sa Senate impeachment court nitong Miyerkoles.
Sinabi ni Atty. Roderick Wamil, nagsilbing state auditor ng COA - Intelligence and Confidential Funds Audit Office (COA-ICFAO) mula Setyembre 2014 hanggang Pebrero 2024, na nagsumite ang OVP at DepEd ng 849 na acknowledgement receipts (ARs) sa liquidation report nito — na unang pagkakataon sa kaniyang panunungkulan na gumamit lamang ng mga AR ang isang ahensiya.
"Hindi ko masasabi na standard practice since ito po ‘yung kauna-unahang beses na pure ARs ang sinubmit sa amin," sabi ni Wamil sa impeachment court ng Senado sa ika-13 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Wamil, inaatasan ang mga ahensiya ng gobyerno na gumagamit ng mga confidential and intelligence fund (CIF) na magsumite ng supporting documents gaya ng sales invoice o mga opisyal na resibo para sa kani-kanilang mga ulat para sa liquidation.
Nang tanungin kung maaaring beripikahin ng COA kung nakuha ba ng isang ahensiya ang item na kanilang tinukoy sa kanilang liquidation report nang walang mga sales invoice o mga opisyal na resibo, sagot si Wamil: "Kung sinubmit po sana sa amin ang official receipts or sales invoice, hindi namin po masasabi based on documents alone."
Saksi ng prosekusyon si Wamil para sa article 1, o patungkol sa akusasyon laban kay Duterte sa hindi umano tamang paggamit ng confidential funds na nagkakahalaga ng P500 milyon sa OVP at P112.5 milyon sa Department of Education (DepEd) noong pinamunuan niya ang kagawaran.-- Sundy Locus/Jamil Santos/FRJ GMA News
