Tila ayaw nang palakihin ni Sharon Cuneta ang naging komprontasyon noong Mayo ng kaniyang asawang si Senador Francis Pangilinan at dati niyang nobyo na si Senador Robin Padilla sa Senado.

Sa kaniyang guesting sa "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Huwebes, tinanong ang Megastar tungkol sa mga naglabasang meme online tungkol sa komprontasyon ng kaniyang asawa at ng kaniyang dating nobyo.

"No comment… Ganito na lang. ‘Uy ex ko. Uy husband ko.' Tapos na. It stops there. I don't wanna comment, sa amin it's a non-issue," saad ng batikang aktres.

Noong Mayo, nagtalo ang dalawang senador habang pinag-uusapan ang warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) laban kay Senator Bato dela Rosa.

Hinimok ni Pangilinan na idulog ang mga manipestasyon tungkol sa warrant of arrest ng ICC sa Senate Committee on Rules para matalakay ng kapulungan ang iba pang mga bagay.

Gayunman, sumingit si Padilla, kaya napataas ang boses ni Pangilinan na sinabing: "I still have the floor."

Kalaunan, kinuwestiyon ni Padilla kung pinahihintulutan ang mga senador na sigawan ang mga kapwa senador. Tumanggi rin siyang makipagkamay kay Pangilinan nang humupa na ang tensyon.

Samantala, bibida si Sharon sa "Honor Thy Mother" kasama sina Barbie Forteza at Khalil Ramos. Ipapalabas ang series sa Setyembre 11 sa Prime Video. – Jamil Santos/FRJ GMA News