Nagkuwento ang miyembro ng Blackpink na si Lisa tungkol sa desisyon niyang panatilihing pribado noon ang mga dating naging karelasyon, dahil ayaw niyang maapektuhan ng kaniyang lovelife ang kasikatan ng kanilang grupo.
Ayon sa mga international outlet, tinalakay ni Lisa ang mga pagsubok sa pakikipag-date bilang isang K-pop idol sa kaniyang dokumentaryo na “Always Lalisa.”
“In K-pop culture, we can't really date. If you’re seeing someone and you get caught by paparazzi, your popularity drops,” ani Lisa.
Sinabi ni Lisa na nagkaroon siya ng “ilang relasyon” noong mas bata pa siya, ngunit kinailangan nilang itago ang kanilang relasyon.
“I didn’t want my dating to be the thing that hurts Blackpink’s popularity,” saad niya.
Mapapanood sa mga sinehan sa buong mundo ang “Always Lalisa” sa Oktubre 12, kasabay ng paglabas ng kaniyang comeback EP na, “Press Play.” Pagkatapos ng theatrical run nito, eksklusibong mapapanood ang “Always Lalisa” sa YouTube Premium sa huling bahagi ng 2026.
Nag-debut si Lisa bilang solo artist noong 2021 sa pamamagitan ng “Lalisa,” at inilunsad niya ang sarili niyang management company na Lloud noong 2024.—Carby Rose Basina/FRJ GMA News

