Sa programang “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Lunes, isiniwalat ni Yeng Constantino na nag-audition siya para maging miyembro ng Sexbomb Girls sa edad na 14.
Nang malaman ito ni Tito Boy, hindi siya makapaniwala na ginawa iyon ni Yeng kaya hiniling niya sa singer-songwriter na magkuwento, at nagpakita rin ng sample sa pagsayaw.
“Hindi talaga ako magaling sumayaw, kaya medyo po ang reaksyon ko ay buti po hindi ako na qualify talaga,” pahayag ni Yeng.
Sabi pa ni Yeng, nais talaga ng kaniyang ina na maging artista siya, at ang nakita nitong paraan ay maging miyembro siya ng naturang dance group.
“At that time po siyempre sina Ma’am Rochelle ay napakasikat, sina Ma’am Jopay. Sabi ni Mama, ‘Baka ito ang paraan, subukan mo anak mag-audition dito,'” masayang balik-tanaw ni Yeng.
Pag-amin din ni Yeng, idol niya ang Sexbomb Girls, at kabilang siya sa mga “pinalaki” ng grupo.
“Sobra pong legendary. Lahat ng nilalabas nilang kanta talagang sasayawin ng lahat,” dagdag niya.
Kabilang si Yeng sa mga magiging judge sa upcoming season ng “The Voice Kids,” kasama sina Julie Anne San Jose at Gloc-9. Mapapanood ito simula sa September 13 sa GMA. —Nika Roque/FRJ GMA News
