Inihayag ng dating 90s matinee idol na si Jao Mapa na nakarelasyon niya noon ang dating sexy actress na si Rosanna Roces.

“Sino sa mga nakarelasyon mo noon sa showbiz ang sa tingin mo, TOTGA mo? May naging girlfriend ka ba sa showbiz?” tanong ni Susan Enriquez kay Jao sa kaniyang nakaraang guesting sa Kay Susan Tayo! Vlogs.

Nag-drawing sa papel si Jao para bigyan ng clue si Susan, na agad din namang nahulaan ni Kapuso broadcast journalist.

“Rosanna? Nakarelasyon mo yan? Oh my gosh!” pagkabigla ng Kapuso journalist.

Matatandaang nagkasama sina Jao at Rosanna sa pelikulang “Matrikula” noong 1997, kung saan 18-anyos lang noon ang aktor.

“After doing the movie, siguro months. Months lang. Two, three, I think,” tugon ni Jao tungkol sa itinagal ng relasyon nila ni Rosanna.

Nag-follow-up na tanong si Susan kung maituturing itong “May-December affair.” Sagot ni Jao, “Parang ganu’n.”

Inilahad ni Jao kung paano niya kinaya ang sexy scenes nila ni Rosanna.

“Doon ako kinabahan talaga. Knowing Rosanna Roces, when you work with her, talagang ikaw pa matatakot eh.”

Ayon sa aktor, nagsisisi siya ngayon na ginawa niya ang pelikulang Matrikula.

“Ako bata pa ako noon eh. Hindi ko alam kung paano gumawa ng mga ganitong pelikula. Siyempre, bago sa akin. Nagsisisi na nga ako kung bakit ginawa ko ‘yung pelikula,” saad niya.

Inamin ni Jao na nakaramdam siya ng hiya nang gawin nila ni Rosanna ang ilang sexy scenes.

“Knowing Osang, Hindi ‘yan mag-aano eh (alinlangan). Wala nang damit-damit ‘yan eh. Hubad yan eh. Hubo’t hubad. Lahat. Siya lang ang may 'balls.'”

Katunayan, pinuna pa ni Osang si Jao kung bakit siya nakadamit pang-ibaba sa kanilang eksena.

“Ako, paglabas ko, naka-boxer shorts. So kinakabahan na ako. Noong nakita niya ako naka-boxer shorts, sabi niya, ‘Ba't ka naka-bloomers?’ Tawaan lahat nang tawanan, lahat ng cameraman, mga lights, director.”

Dahil dito, natanggal na ang kaba ni Jao, maliban sa kanilang kissing scenes.

“In a way, parang natanggal na rin 'yung kaba ko. Kasi pinagtawanan niya eh. So nawala na after that. It was easy na. Pero naalala ko nu’n, when I was kissing her, nangingining pa ‘yung labi ko. Hindi ko alam kung natatandaan niya ‘yun. Pero, ‘yun ang naaalala ko,” pagbahagi ni Jao.

Komento niya sa aktres, “She’s really nice to work with. I love her. I love her.”

Hiningian din si Jao ng komento kaugnay ng sinabi sa kaniya ni Rosanna na siya raw ang “best kissing leading man” nito.

Pero si Jao, natatawa at hindi nakapagsalita.

“Okay,” simpleng tugon ng aktor na tila hindi alam ang isasagot. “What do you want me to say? Flattered, I guess,” sabi pa niya, at idinagdag na ngayon lang niya ito narinig.

“Masasabi ko na lang tita na it was nice working with Osang and... I guess, she just enjoys working with me,” sabi ni Jao, na tila namumula.

Ngayon, bukod sa paggawa ng painting, muling nagbabalik sa pag-arte si Jao. – FRJ GMA News