Sobrang mahal na mahal ng Overseas Filipino worker na si Jennifer ang kaniyang yumaong mister na si Felicisimo kaya hirap pa rin siyang maka-move on kahit mahigit isang dekada na ang nakararaan mula nang mabiyuda siya. At laking gulat niya nang malaman niyang may kamukhang-kamukha ang kaniyang mister nang minsang mag-post ng larawan nilang mag-asawa. Sino kaya ang lalaki at kadugo kaya ito ng kaniyang mister? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ikinuwento ng biyudang si Jennifer na estudyante pa lang siya noon sa Camarines Sur nang makita niya at ma-in love kaagad siya sa kaniyang naging asawa na si Felicisimo, na isang sundalo.

Si Felicisimo, may gusto rin kay Jennifer kaya hindi na ito nagpatumpik-tumpik pang ligawan noon ang dalaga. Humingi rin ng senyales noon sa Diyos si Jennifer na ang lalaking magdadala sa kaniya sa simbahan sa kanilang first date ang kaniyang magiging “the one.”

Nagkataon naman na nang ayain siya ni Felicisimo na lumabas, una muna siyang dinala sa simbahan, kaya sinagot niya ang binata. Pagkatapos ng pagiging magkasintahan sa loob pa lang ng tatlong buwan, inaya na ni Felicisimo si Jennifer na magpakasal dahil madedestino siya sa malayong lugar.

Dahil sigurado na si Jennifer kay Felicisimo, pumayag siya. Bagaman may pagkakataon na nambabae umano ang mister, naging mabuti pa rin itong padre de pamilya sa kanila.

Hanggang sa isang araw, naaksidente sa motorsiklo si Felicisimo na naging dahilan ng biglaan niyang pagpanaw sa edad na 33. Ngunit makalipas ng mahigit isang dekada, wala pa ring nakikita si Jennifer mula sa mga nanliligaw sa kaniya na maaaring pumalit sa nasira niyang asawa.

At para bigyan-diin na handa siyang maging senior citizen na mag-asawa, ipinost niya ang larawan nilang mag-asawa. Pero nagulat si Jennifer nang may magkomento sa kaniyang post na kamukha ng kaniyang mister ang kaniyang kaopisina na si Noel, 33-anyos, isang guro, at nasa Antique.

Nang malaman ito ni Jennifer, aminado siyang sinisilip niya ang account ni Noel upang makita ang mga larawan nito na kamukhang-kamukha nga ng kaniyang namayapang asawa.

“Kinilabutan po ako kasi parang kambal,” saad ng biyuda.

Si Noel naman, ni-repost ang naturang post ni Jennifer na larawan ng kaniyang mister, at nagbiro ang guro sa kaniyang caption na buhay pa siya. Dito naman nagkomento si Jennifer na pagsang-ayon ng pagiging magkamukha ng dalawa, at inihayag niya ang kaniyang hangarin na makita sana niya nang personal si Noel.

Napag-alaman na binata si Noel at hindi nag-asawa dahil siya ang naging breadwinner sa kaniyang mga kapatid mula nang pumanaw ang kanilang mga magulang.

Paglilinaw niya, hindi niya kakilala o kamag-anak si Felicisimo at sadya lang talagang kamukha niya ang dating sundalo.

Dahil batid ni Noel ang hirap ng pangungulila sa mahal sa buhay na nawala, pumayag siyang sorpresahin at makita siya nang harapan ni Jennifer. Ano kaya ang magiging reaksyon ng biyuda kapag nakita na niya nang personal ang kamukha ng kaniyang minamahal na namayapang asawa? Tunghayan ang buong kuwento sa video ng KMJS. Panoorin. – FRJ GMA News