Hinatak at tiniketan ang mga awtoridad ang mga inabutang sasakyan na naka-double parking sa isang kalsada sa Makati na naging viral dahil nakaabala sa pagresponde ng mga bumbero sa sunog. Ang may-ari naman ng kotseng nasagi ng isang fire truck, nais umanong siningil ng danyos ang driver ng truck ng bumbero.
Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, ipinakita ang viral video sa pahirapang pagdaan ng truck ng bumbero sa General Macabulo St. sa Barangay Bancal noong Sabado dahil puno ng nakaparadang sasakyan ang magkabilaang bahagi ng kalsada.
Dahil sa sikip, isang truck ng bumbero ang sumabit sa isang nakaparadang kotse sa gilid ng kalsada. Nasira ang side mirror ng kotse at bahagya rin itong nakaladkad
Ayon sa nag-upload ng video na kuha mula sa isa pang truck ng bumbero at kasama rin sa mga rumesponde sa sunog, nagtungo sa fire station at himpilan ng pulisya ang may-ari ng kotse para singilin sa danyos umano ang driver ng fire truck na nakasagi sa kaniyang sasakyan.
Gayunman, tumanggi umano ang driver ng fire truck na magbayad sa sinapit ng kotse.
Bukod sa hindi nakasingil, pinadalhan ng show cause order ng Land Transportation Office ang may-ari ng kotse para pagpaliwanagin sa nangyari.
Sinisikap pa ng GMA News na makuhanan ng pahayag ang naturang may-ari ng kotse, ayon sa ulat.
Dahil din sa nangyari, pinuntahan ng mga tauhan ng Metro Manila Development Authority at lokal na pamahalaan ng Makati, ang lugar upang tiketan at hatakin ang mga nakaparadang sasakyan sa magkabilaang bahagi ng kalsada.
Ayon sa isang opisyal ng MMDA, mayroong barangay ordinance sa lugar na isang bahagi lang ng kalsada ang puwedeng paradahan.
Aminado sila na tila “cat and mouse” ang sitwasyon sa lugar dahil bumabalik din sa pagparada sa gilid ng daan ang mga sasakyan kapag nawala na ang mga nanghuhuli.—FRJ GMA News
