Inihayag ni Jao Mapa ang dahilan kung bakit niya iniwan noon ang showbiz sa kabila ng kasagsagan ng kaniyang karera noong 90s. May pinagsisisihan kaya siya sa kaniyang desisyon? Alamin.

“I was young then. I knew I had money coming in. money, fame, power. Tsaka nagtatrabaho ako doon 24/7 almost. For seven years sabihin na natin, from 1993 to 1999. Tita napagod ako noon,” paglalahad ni Jao sa kaniyang guesting sa “Kay Susan Tayo! Vlogs” ni Susan Enriquez.

Ayon kay Jao, isa sa mga dahilan nang pag-alis sa showbiz ang breakup nila ng kaniya noong non-showbiz girlfriend.

“Pero I had a girlfriend at that time outside showbiz. And I know 'yung breakup na 'yun nasobrahan, na-inlove ako doon sa babaeng 'yun. 'Yung breakup na ‘yun, ang rason kung bakit I got into a depression,” lahad niya.

“I was at the peak of my career. I couldn't handle the heartache. ‘Yun ang dahilan kung bakit umalis din ako ng showbiz. And I said, I'd like to take a break. Actually not take a break, but I said, I'm gonna leave showbiz,” pagpapatuloy ni Jao.

Bukod dito, nakaramdam din siya ng burnout.

“It was because probably of mix na eh. pagod saka heartbreak. So, parang na-burnout ako Tita,” anang 90s matinee idol.

Sa kaniyang pinagdaraanan, nakaramdam si Jao noon ng mga limitasyon bilang isang artista na nakaharap sa camera.

“I also meant na ‘pag nasa showbiz ka at nasa peak ka, kailangan you have to please everybody around you. From your fans, manager mo, producer mo, kailangan ito gawin mo, gawin mo. And you have to be 101%,” sabi niya.

“Nawala na 'yung sense ng kung anong gusto ko, na ako naman. Pero for seven years, ito 'yung takbo ng buhay mo na parang robot. Sunod ka lang, sunod. Sabi ko sa sarili ko, gusto ko mabalik 'yung ano naman ang gusto ko,” dagdag ni Jao.

“Burned out, basically. And I got depressed after that,” pahabol niya.

Sa kaniyang pamamahinga sa showbiz, tinapos ni Jao ang kaniyang pag-aaral sa kolehiyo.

Nag-asawa

Pagbalik niya ng Pilipinas, naging magkapitbahay sila ng asawa na niya ngayong si Cecil Garcia Mapa.

“Wow, ngiti pa lang. Wala, laglag na ako. ‘Yun ang kumuha sa akin,” ani Jao, na niligawan kalaunan si Cecil.

“When she would come home late, aabangan ko siya na may gitara ako. Tapos haharanahan ko siya. ‘Harana’ talaga, ‘yung kanta ng ‘Parokya’ (ni Edgar). Kakantahan ko siya.”

Natuon din ang atensyon ni Jao sa isa pang sining—ang pag-painting, na kaniya ring pinagkukunan ng kabuhayan para sa kaniyang pamilya.

May pinagsisisihan nga ba?

Tinanong ni Susan si Jao kung may pinagsisisihan siya sa kaniyang naging desisyon ng pag-alis sa showbiz.

“Wala, Tita. It was just a journey. Been there, done that. I saw, I came, I conquered. Okay na ako doon,” tugon ng aktor.

“But… going to another chapter in my life, I think if I didn't leave showbiz, Tita, I won't have a family. If I didn't leave showbiz, I don't think I'd be a painter right now,” sabi pa ni Jao.

Ayon pa sa kaniya, nakilala niya ang Diyos sa paglisan niya sa showbiz.

“Dito ko nahanap ang Panginoon. Siya nang gumagabay sa akin, sa pamilya ko. At nandito ako ngayon para bumalik.”

Nakatakdang mapanood si Jao sa upcoming Kapuso action drama series na “Hari ng Tondo.” – FRJ GMA News