Nakatakdang bumisita sa Pilipinas ang humanitarian at Hollywood actress na si Angelina Jolie bilang isa sa mga tagapagsalita sa 2026 ASEAN Inclusive Growth Summit na gaganapin sa Nobyembre 11, 2026.
Kabilang ang Academy Award-winning actress sa mga magiging tagapagsalita sa summit na dadaluhan ng mga lider mula sa iba't ibang sektor upang talakayin ang paglago ng ekonomiya sa Southeast Asia.
Kilala rin si Jolie sa kaniyang humanitarian works, partikular sa pagtataguyod ng kapakanan ng mga refugee, mga taong napilitang lumikas sa kanilang mga tahanan, at sa pangangalaga sa karapatan ng kababaihan at mga bata.
Nagsilbi siya bilang Goodwill Ambassador ng United Nations High Commissioner for Refugees (UNHCR) mula 2001 hanggang 2012 bago naging Special Envoy nito, isang posisyong hinawakan niya hanggang 2022.
Kabilang din sa iba pang tagapagsalita sa summit ay sina Lea Salonga, Kylie Verzosa, Rajo Laurel, at Department of Trade and Industry Secretary Cristina Roque, kasama ang iba pa.— Carby Basina/FRJ GMA News
