Sugatan ang isang Grade 10 student matapos siyang saksakin sa likod ng basag na bote ng soft drink sa Lingayen, Pangasinan. Ang biktima, umawat lang daw sa gulo, habang nanindigan ang suspek na idinepensa lang niya ang kaniyang sarili.
Sa ulat ni Sendee Salvacio sa GMA Regional TV One North Central Luzon, sinabing nangyari ang krimen sa Barangay Poblacion noong Miyerkoles ng hapon habang papauwi na ang biktima galing sa paaralan.
Ayon sa pulisya, biglang dumating ang 18-anyos na suspek na isa ring Grade 10 student na may dalang binasag na bote at sinaksak umano sa likod ang biktimang 15-anyos.
Makaraang gawin ang krimen, tumakas ang suspek at nagtago. Subalit naaresto rin siya ng mga awtoridad sa follow-up operation sa bayan ng Binmaley.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya, may hindi pagkakaunawaan ang suspek sa isa sa mga kasama ng biktima, na isinugod sa ospital para magamit ang tinamong sugat sa likod.
Umawat din lang umano ang biktima sa gulo.
Sa loob ng piitan, iginiit ng suspek na nauna siyang pinagtripan ng grupo ng biktima sa nagdaang mga araw.
Nang mangyari ang insidente nitong Miyerkloes, hinabol umano siya ng grupo at kinuyod. Idinepensa lang daw niya ang kaniyang sarili
Sa kabila ng kaniyang paliwanag, humihingi siya ng paumanhin sa nangyari.
Ayon sa pulisya, nais ng pamilya ng biktima na bigyan ng leksyon ang suspek na sasampahan ng reklamong frustrated murder.
Samantala, sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang kaanak ng biktima, ayon sa ulat.
Hinihintay din ang pahayag ng pamunuan ng paaralan sa nangyaring insidente na naganap sa labas ng eskuwelahan. – FRJ GMA News

