Ibinahagi ni Boobsie ang hindi niya malilimutang araw sa huli nilang pagkikita ng kaniyang kaibigan at kapwa komedyante na si Ate Gay, na pumanaw noong November 1, 2026.
Sa panayam sa “Fast Talk With Boy Abunda” nitong Biyernes, ikinuwento ni Boobsie ang pagbisita niya sa bahay ni Ate Gay sa Tondo, Manila. Naabutan daw niya itong nakahiga at nahihirapan sa paghinga kahit may nakalagay na sa ilong nito na gamit na nakakonekta sa oxygen tank.
“Sabi ko, ‘Ate Gay, anong nangyari sa iyo, bakit ka nagkaganyan?’ Sabi [niya] kahapon pa ko hindi makahinga mahihirapan daw siyang magsalita,” pagbahagi ni Boobsie.
“Tapos kuwentuhan kami kuwentuhan, napansin ko yung tangke [ng oxygen]. Sabi ko, ‘Paano ka hindi makakahinga hindi naman nakabukas.' Opo, nakakatawa talaga yung pagtatagpo namin na ‘yon.” natatawang sabi pa niya.
Ayon kay Boobsie, tawang-tawa rin si Ate Gay nang malaman na hindi pala nakabukas ang tangke ng oxygen kahit nakalagay ang hose nito sa ilong niya.
“Alam mo tito Boy umaga pa raw siya nakaratay nang ganun… tapos dumating kami alas-singko. Ibig sabihin mula umaga hanggang alas-singko ng hapon nagtitiis siya nang ganun,” ayon kay Boobsie.
“Sabi niya, ‘Boobsie buti na lang dumating kayong mag-asawa.’ Napamura nga siya eh, tinapon niya [yung nasa ilong niya.] Sabi ko, Daddy buksan mo nga yung tangke.’ Pagbukas ng tangke ‘di kumulo-kulong ganyan,” sabi pa ni Boobsie.
Nang mabuksan ang tangke, nakita umano ni Ate Gay kung papaano gumana ang oxygen tank nang maramdaman na nito ang hangin sa ilong niya.
Ayon pa kay Boobsie, nagtawanan sila ni Ate Gay sa naturang pangyayari sa kabila ng kalagayan nito.
Pumanaw si Ate Gay, o Gil Aducal Morales, nitong November 1 matapos ma-stroke. Nauna nang natuklasan ang sakit niyang Stage 4 cancer noong September 2025, na matapos niyang nilabanan.
Noong nakaarang buwan, isang "living funeral" ang idinaos niya upang ipagdiwang ang kaniyang buhay kasama ang pamilya at mga kaibigan.
Sa naturang episode ng "Fast Talk," ikinuwento rin nina Wacky Kiray at Pepita Curtis, ang nakatatawa nilang karanasan kasama si Ate Gay, at kung gaano ito katapang na hinarap ang laban sa cancer. Panoorin ang video. — FRJ GMA News
