Ibinahagi ng rising OPM band na Esremborak kung bakit ito ang napili nilang pangalan sa kanilang banda. Ikinuwento rin nila na mahal na presyo ng isang sahog na panggisa ang inspirasyon sa likod ng hit song nilang “Mahal Magmahal.”

Sa kanilang guesting sa Unang Hirit nitong Biyernes, ipaliwanag ni Myk Tamayo, bahista ng grupo, na hango sa kanilang lugar sa Taguig ang pangalang Esremborak.

“Bale na-invite ko sila sa bahay namin. Ako po, taga-East Rembo, Taguig na ngayon. Nakita nila na ‘yung East Rembo po ay isang mukha ng masa. Kaya po, naging ‘music of slum’ ‘yung pinanghawakan namin,” ani Myk.

Inilahad naman ng bokalistang si MC Mislan ang inspirasyon sa “Mahal Magmahal,” na tungkol sa isang umiibig ngunit tila kapos ang kaniyang budget para sa kaniyang sinisinta.

“Naging inspirasyon po, taong 2023, nagmahal din po kasi ‘yung presyo ng sibuyas no’n. Tapos naisip ko po na, paano kung ito palang [sibuyas] nagmamahal na, paano pa ‘yung mga tao ‘yung umiibig tapos gumagastos para sa mga iniibig nila?” sabi ni MC.

“Kasi po ‘yung pagmamahal hindi naman siya puro kilig. Kailangan mo rin ng stability,” sabi pa ni MC.

Ang Esremobrak ay binubuo nina MC (bokalista), Steven Pedro (drummer), Jun Rivera (ukulele), Myk (bahista), at Nat Panganiban (ukulele).

Lingid sa kaalaman ng lahat, tatlo sa kanila ang mga college professor sa Polytechnic University of the Philippines, na sina Nat, MC at Jun. Panoorin sa video ang ginawang pagtatanghal ng grupo. – FRJ GMA News