Excited na si Dennis Trillo sa pagpapalabas ng bago niyang proyekto na "Mulawin Vs Ravena," na kinatatampukan ng iba pang bigating Kapuso stars.

Sa grand presscon ng naturang Kapuso fantaserye na ginanap noong Lunes, ikinuwento ni Dennis ang kaibahan ng "Mulawin Vs Ravena" sa naunang "Mulawin" na ipinalabas din ng GMA noong 2004.

Kaya naman kompiyansa ang magugustuhan ng mga manonood ang bagong action-fantasy series na mapapanood na simula sa susunod na linggo.

“Malayo, malayong-malayo. Ang unang Mulawin, thirteen years ago. Ni wala pang mga drone camera noon. Ngayon, na-utilize talaga namin ang pag-advance ng technology," pahayag ni Dennis sa ulat ni Rose Garcia na lumabas sa PEP.ph.

“Ewan ko kung nakita niyo yung mga C.G.I. ng mga pakpak, mas seamless ang mga effects. Bukod dun, yung maturity ng mga characters, yung mga bago, yung mga lumang characters, lahat yun, mapapanood nila na napakaganda,” dagdag niya.

Ginagampanan ni Dennis ang karakter niya na si Gabriel, isang Ravena, na siya niya role sa unang "Mulawin."

“Binuhos naming lahat dito. Hindi lang ng network kundi lahat ng mga artista. Katulad ng sinabi ni Direk, staff, crew. Isang buong team effort ang ginawa namin at sana mapanood ng lahat,” paliwanag ng aktor.

Para maging maganda ang mga eksena na nasa ere, nagsanay nang husto ang cast sa paggamit ng harness upang maging makatotohanan ang kanilang paglipad.

“Kailangang masaya kami sa harness sa mga katawan namin. Bale may mga bagong hindi pa nakaka-try nito. Bale kami, since nagawa na namin yung dati, parang refresh course na lang ang ginawa namin,” paliwanag niya.

Pag-amin pa ni Dennis, hindi niya inakala na muli niyang magagampanan ang role ni Gabriel.

“Never kong na-imagine yun kasi noong nagtapos ang Mulawin, naging benchmark na siya sa genre niya, sa mga fantasy. Hindi ko akalain na bubuhayin ulit siya dahil maganda na ang legacy na naiwan ng Mulawin dati," ayon sa Kapuso actor.

Ilan lang sa mga Kapuso star na kasama sa "Mulawin Vs Ravena" ay sina Regine Velasquez, Heart Evangelista, Lovi Poe, Carla Abellana, Miguel Tanfelix, Bianca Umali, Derrick Monasterio, Bea Binene at marami pang iba. -- FRJ, GMA News