Pinag-usapan sa social media— partikular sa Twitter, ang pilot ng bagong programa ni Kapuso Primetime Queen Marian Rivera, na "Tadhana" nitong nakaraang Sabado.

Naging top trending topic ang hashtag na #TadhanaPilot, ang programa na tumatalakay sa buhay at pakikipagsapalaran ng mga OFW sa ibang bansa.

Tampok sa pilot ng "Tadhana" si Kris Bernal, na gumanap ng isang OFW, na pinagmalupitan ng kaniyang dayuhang amo na ginampanan ni Cherie Gil.


Ayon sa Nielsen Philippines, nanaig sa ratings ang "Tadhana" na mayroong 6.9 percent sa TAM NUTAM People Ratings, kumpara sa 4.5 at 4.3 percent na nakuha ang kasabay nitong programa sa kabilang TV network.

Nakasama rin sa trending topic sa Twitter ang pangalan ni Marian nang lumaban siya sa "Jackpot en Poy" segment ng "Eat Bulaga" kung saan iprinomote niya ang "Tadhana."

Sa susunod na episode ng "Tadhana," tampok naman si Mikee Quintos, na gaganap bilang si Marites, isang dating domestic helper na naging milyonarya at CEO dahil sa kaniyang pagsisikap sa pagtatrabaho sa Italya.

Makakasama ni Mikee sa naturang episode ang "Foreignoy" winner na si Gui Adorno, pati na sina Sue Prado, Ruben Soriquez, at Teresa Loyzaga, sa ilalim ng panulat at direksyon ni Michael Cardoz. -- Rie Takumi/FRJ, GMA News