Unti-unti nang gumagawa ng kaniyang pangalan sa showbizness ang child actor na si Marc Justin 'MJ' Alvarez na gumagamit na batang "Pagaspas" sa "Mulawin Vs Ravena. Pero maliban sa pag-arte, may iba pang talentong ipinakita ang Kapuso child star.
Sa Starbites report ni Nelson Canlas sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing inspirasyon ni MJ sa pagganap niya bilang batang "Pagaspas" sa "Mulawin Vs Ravena," ang dating gumanap sa nabanggit na role at magiging binatang "Pagaspas" ngayon na si Miguel Tanfelix.
Mula raw nang mapanood ni MJ ang orihinal na telefantasya, humanga na siya sa karakter ni Pagaspas, at naging idolo na niya ang bata pa noon na si Miguel.
At dahil kay Miguel, pinangarap din ni MJ na maging artista.
Ilan sa mga serye na kinabilangan na ni MJ ay ang "Carmela" na pinagbidahan nina Marian Rivera at Alden Richards, at "Ang Dalawang Mrs. Real," nina Maricel Soriano at Dingdong Dantes.
Pero hindi raw inasahan ni MJ na makakasama siya sa "Mulawin Vs Ravena," at magagampanan pa ang paborito niyang karakter na si "Pagaspas."
Ngunit maliban sa pag-arte, may iba pa palang talento si MJ, ang pagguhit o pagdo-drawing.
Ayon sa batang aktor, pangarap din niyang maging comic book maker sa hinaharap gaya ng kaniyang idolo sa naturang industriya na si Stan Lee.
"Gusto ko rin pong maging katulad ni Stan Lee, tulad po ng mga Avengers at Marvel po kasi parang ang astig ng mga ginagawa niya," kuwento niya. -- FRJ, GMA News
