Matapos ang mahigit dalawang dekada, magkakasama muli ang 80's hit love team at dating magkasintahan na sina Gabby Concepcion at Janice de Belen sa isang episode ng "Magpakailanman."

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, makikita pa rin ang closeness ng dalawa na panay ang tawanan.

Natatawa rin si Janice nang malaman na marami ang nagsabing excited sila sa muling pagsasama nila ni Gabby sa trabaho para sa "Magpakailanman" episode sa darating na Sabado.

"Sabi ko, 'bakit kayo excited?' We've worked together before, tapos nagkikita kami, nagkukwentuhan naman kami," natatawang paliwanag ni Janice.

"Kahit naman kailan, 'pag katrabaho ko si ate Janice, e talagang..."sabi naman ni Gabby na hindi natuloy dahil sa marahang paghampas ni Janice ng unan sa aktor.

Nang mapag-usapan ang dating relasyon nila na tumagal ng mahigit isang taon, pagtatapat ni Gabby; "Siyempre nu'ng nagkahiwalay kami, matagal na 'yon, kasalanan ko naman."

Natatawang pumalakpak naman si Janice sa ginawang pag-amin ni Gabby,
"I like it, umamin ka on TV," ani Janice.

"Siyempre naman. Dapat honest lang, di ba? Pero nagsisisi na 'ko. Sorry nga pala, ha?," sambit ni Gabby ni Janice. 

Natatawa rin nilang binalikan at pinag-usapan ang pagreregalo nila noon bilang magkasintahan.

Sa "Magpakailanman," ginagampanan nila ang papel ng magkaklase noong high school kung saan hindi pinapansin ng lalaki ang babae.

Pero pagkaraan ng maraming taon, muli silang nagkita.

"Ang kwento nito eh binabalikan ko siya. Tingnan natin kung ano mangyayari," patikim na kuwento ni Gabby.

"Two people meeting again after many years, when they're older, di ba? Parang begins again," sabi naman ni Janice. -- FRJ, GMA News