Kasunod ng pag-anunsyo sa unang apat na pelikulang kasali sa 2017 Metro Manila Film Festival, nagbitiw naman ang tatlong miyembro ng executive committee nito, kabilang ang premyadong screenwriter na si Ricky Lee.

Bukod kay Ricky, nagbitiw din sa MMFF Execom sina dating UP College of Mass Communication Dean Rolando Tolentino, at ang journalist at documentary producer na si Kara Magsanoc Alikpala.

Sa isang Facebook post, ipinaliwanag ni Ricky ang dahilan ng kaniyang pagbibitiw.

"Sa mga nagtataka at nagtatanong kung bakit ako nag-resign bilang miyembro ng Execom ng MMFF, simple lang naman ang sagot. Noong una pa man nang pumayag akong sumali, nag-decide na ako na mag-i-stay lang ako kung ipagpapatuloy nito ang nasimulan nang reforms ng 2016.

"Sa nagiging takbo ng mga pangyayari ngayon ay mukhang malabo na iyong mangyari. Kaya wala na ring dahilan para mag-stay pa ako," ayon sa batikang manunulat.

May makahulugang mensahe naman si Tolentino sa kaniyang hiwalay na social media post.

"Aanhin pa ang komersyo ng pelikula, pakinabang ng bulsa ng iilan. Kalidad para sa kaluluwa ng bayan," anang sa kaniya.

Nitong nakaraang Huwebes, inanunsyo na ang unang apat sa walong pelikulang kalahok sa 2017 MMFF na, "Ang Panday", "Almost is Not Enough", "The Revengers", and "Love Traps #Family Goals."

Sinabi naman ni MMFF Execom chairman Tim Orbos, na iginagalang nila ang pagbibitiw ng tatlo mula sa komite.

Idinagdag niya na nais nilang mabigyan ng mga de kalidad na pelikula na may commercial value ang mga tumatangkilik sa MMFF movies.

Noong nakaraang taon, naging kapansin-pansin ang ipinatupad na pagbabago ng MMFF kung saan halos lahat ng mga pelikulang ipinalabas ay tinatawag na "indie films."

Ang naturang pagbabago sa ipinalabas na pelikula ay naging dahilan ng mas mababang kita sa takilya ng film festival kumpara sa nagdaang mga taon.-- FRJ, GMA News

------------

The Ricky Lee thumbnail initially used for this article was from Mr. Raymond Dimayuga. We regret that we inadvertently used the same without securing Mr. Dimayuga's permission.