Sa pagdiriwang ng kaniyang ika-50 taon sa showbiz, inamin ng batikang aktres na si Nora Aunor na kailangan pa rin niyang makapag-iipon ng pera para sa kaniyang kinabukasan. Ikinuwento rin niya kung bakit naubos ang kaniyang naipon noon.
Sa "Star Bites" report ni Sandra Aguinaldo sa GMA News "Balitanghali" nitong Miyerkules, sinabi ni Nora na natutunan niya sa maraming taon sa showbiz na mag-ipon ng pera para sa kaniyang kinabukasan.
Pag-amin niya, noong kalakasan ng paggawa niya ng mga pelikula, naubos ang kaniyang ipon dahil na rin sa pagpo-produce niya ng mga pelikula.
"Wala akong takot eh, ibebenta ko 'yung bahay para matapos ko 'yung paggawa ng pelikula. Pero dapat talaga, ang totoo, kidding aside, kailangan mag-ipon din talaga. Pero puwede akong magsimula siguro bukas," pabirong sabi ni Nora.
Sa pagbabalik niya sa bansa noong 2012 mula sa ilang taong paninirahan sa Amerika, sunod-sunod naman ang mga naging proyekto niya. Pero napag-alaman ng GMA News na nakasanayan na ng Superstar na magbigay ng pinansiyal na tulong sa mga crew ng kaniyang proyekto at maging sa kaniyang fans.
"'Pag may pera ako, parang hindi ko matiis 'yung tao. At saka 'pag may kasama ako at nakita kong mababait 'yung crew, mababait 'yung mga staff. [Pero] Kailangan talagang mag-ipon na rin. Nagagalit sila sa 'kin," saad ng aktres.
Bukod sa mga proyekto, marami na ring local at international awards na napanalunan si Nora mula nang magbalik siya sa bansa.
At maliban sa pagbabalik niya sa showbiz na kaniyang mahal, isa pang nagpapasaya kay Nora ang gumagandang relasyon niya sa kaniyang anak na si Matet.
Aminado ang Superstar na lumamig ang relasyon sa kaniyang limang anak nang umalis siya ng Pilipinas.
"Pagka walang pasok, halimbawa, Sabado o Linggo, nagmi-meeting kami. Tinatawag ko sila. Mabait si Matet mula noong nagkaroon ng pamilya," pagbahagi niya
At bilang pasasalamat sa kaniyang pananatili sa showbiz ng 50 taon, plano raw ni Nora na magkaroon ng mga proyekto tulad ng scholarship at micro-financing para matulungan ang kaniyang mga fans na gustong magnegosyo. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
