Sa second album ng Kapuso star na si Glaiza de Castro na "Magandang Simulain," kasama muli rito ang ilang awitin na isinulat ng kaniyang kaibigan at kapwa aktres na si Angelica Panganiban.

Sa launching ng naturang album na ginanap sa Quezon City nitong Huwebes, sinabi ni Glaiza na bagama't kadalasang malulungkot ang lyrics nga mga isinusulat na kanta ni Angelica, nagsisilbi rin daw itong "encouragement" sa mga tao.

 

 

"Alam mo, si Angel, hindi niya nare-realize na yung mga sinulat niyang kanta ay isa sa mga encouragements din. Most of her songs, malungkot talaga. Pero isa rin sa mga reason kung bakit nagawa yung mga kantang yun ay to spread or to share her sentiments about life at ma-realize ng tao na normal na tao rin pala siya, may pinagdadaanan din pala siya."

Inihayag ni Glaiza na tatlo sa mga kanta sa "Magandang Simulain" ay galing kay Angelica. May mga kanta rin na ginawa si Angelica na kasama sa ginawang album ni Glaiza na "Synthesis."

"May promise kasi ako sa kaniya before na yung mga kanta na nasulat niya, itutuloy ko. So bale lahat ng mga song na nasulat na namin, nai-release ko na. From 'Synthesis' mayron siyang dalawang songs dun, yung 'Waiting Shed' at 'Barcelona.' Tapos ngayon, tatlong kanta yun na original songs galing sa kanya which is 'Sinta,' 'Ganti,' at 'London.' Tinupad ko lang yung promise ko. Buti naman naisipan niya yun i-share sa tao," paliwanag niya.

Binalikan at ibinahagi ni Glaiza kung papaano nagsimula ang collaboration nila ni Angelica.

"Hindi namin talaga na plano na mag-record professionally o i-release ito o mapasama sa album. Nag-ugat siya sa isang message lang sa text na hindi ko maintindihan. Normally 'pag mangangamusta ka sa kaibigan mo, 'Uy kamusta ka na?'.. Siya (Angelica), nagbigay na agad siya ng lyrics at ako gets ko na yun na, 'Okay, may gustong i-share ito through mga tula," aniya.

"Nung time na yun, nagtuloy-tuloy lang na nakagawa ako ng melody for those lyrics. Nagsimula sa isang kanta tapos nung sinend ko sa kanya, tinawagan niya ako na, 'Amigah, ang ganda nito!' Nirecord ko lang 'yon sa garage band tapos ni-share ko lang sa kaniya and nung time na 'yon, yun lang yung way of communicating namin, 'yon yung way ko of listening to her sentiments," dagdag niya.

Patuloy ni Glaiza, "Recently, nag-uusap kami na, 'Ano kaya no, bakit kaya tayo nakagawa ng mga ganitong songs?' As long as meron siyang sentiments, meron akong pinagdadaanan sporadically, makakapag-share kami ng music."

Pangarap makatrabaho si Ely Buendia

Mapapanood si Glaiza sa music video ng kantang "Disconnection Notice" ng bandang Pupil ni Ely Buendia. Sa naturang MTV, gumanap ang singer-actress na nakakulong sa isang sanitarium.

Ikinuwento ni Glaiza na isa ito sa mga dahilan kung bakit nakahiligan niyang sumama sa mga Pinoy band.

"Pangarap ko lang dati na makatrabaho si Ely Buendia, pero dahil ginagawa namin yung rock and roll and si Direk Quark Henares yung direktor, sinabi niya sa 'kin, 'Pwede ka bang mag-guest sa music video ng Pupil?' Sagot ko 'Ely Buendia 'yon! Sige, sige anytime!' Tapos nung time na yun, na-inspire ako na i-associate sarili ko sa mga banda kaya ako nagbanda rin. Everytime nakakakita ako ng mga tao o musicians na nagpe-play ng instruments, 'Gusto kong maging ganyan,'" pagtatapat niya.

Gustong maging musician

Ikinuwento ni Glaiza na nakahiligan na talaga niya ang pagmumusika kahit noong bata pa lang siya.

"Dati talaga gusto ko nang mag-musician, gusto ko talagang magbanda. Yun talaga yung pangarap ko. Yung pagiging artista, nangyari na lang dahil mas maraming opportunities nun at saka hindi ako masyadong tiwala sa genre o singing ability ko, feeling ko talaga walang makaka-relate sa mga kanta ko..."

"Pero nagkaroon ako ng lakas ng loob nang may mga taong nagsasabi sa 'kin na i-push mo 'yan, tulungan kita. It's just a matter of right people that will help you along the way. Tapos kahit hindi mo alam kung anong path yung pupuntahan mo, tutulungan ka nila na makarating dun."

"May mga tao na tinatanong ako 'Bakit mo pa siya ginagawa?' Para sa 'kin, it's my way of representing who I really am," pahayag ng aktres. —FRJ, GMA News