Inaaresto ng mga awtoridad ang rapper at  fliptop artist na si Zaito matapos na may makitang iligal na droga sa kaniyang bahay sa Kawit, Cavite.

Sa ulat ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles,  sinabing sinalakay ng mga awtoridad ang bahay ni Zaito, o si Pedro Canon Jr., sa tunay na buhay, sa bisa ng search warrant.

Nang halughugin ang kaniyang bahay, tatlong pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu ang nakita ng mga awtoridad.

Tumanggi umanong magbigay ng pahayag si Zaito na nakatakdang sampahan ng reklamong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Maliban sa kaniyang pagkanta ng rap, nakilala rin si Zaito sa kaniyang malulupit na hirit sa fliptop battle. -- FRJ, GMA News