Plano umano ng actor-politician na si Lito Lapid na bumalik sa Senado, ayon sa kapwa niya actor-politician na si Senador Vicente "Tito Sotto III.
Sa pulong balitaan nitong Huwebes, sinabi ni Sotto na nais niyang makasama si Lapis sa senatorial lineup ng partidong kinaaniban niya na Nationalist People’s Coalition.
“Lito Lapid is one of those we are considering ... he is considering it also,” ayon sa senador at "Eat Bulaga" dabarkads.
Sinabi pa ni Sotto na hindi raw interesado noong una si Lapid na bumalik sa Senado pero nagbago ito ng isip.
“HIndi talaga siya interesado pero nung pinag-uusapan namin, he is considering it now, that will be the safest statement, Lito is considering it, seriously considering running again,” paliwanag ni Sotto.
Tinalakay din umano ni Sotto ang naturang posilibidad na tumakbong muli si Lapid sa mga kaibigan at kapwa niya senador na sina Panfilo Lacson at Gringo Honasan.
“I have cleared it with some of our friends who are also his former colleagues, Sen. Lacson and Sen. Honasan, and they are in support [of it],” dagdag niya.
Sabi ni Sotto, pinag-uusapan na nila ni Lapid ang pagtakbong senador kahit hindi pa lumalabas ang Pulse Asia survey noong nakaraang linggo kung saan nasa pang-15 puwerto ang dating senador.
Nagsilbing senador si Lapid mula 2004 hanggang 2016 matapos manalo ng dalawang termino.
Noong nakaraang 2016 elections, tumakbong alkalde ng Angeles City sa Pampanga si Lapid pero natalo.
Sa naturang survey ng Pulse Asia, kabilang sa mga celebrity na kasama sa listahan sina Dingdong Dantes, Robin Padilla, Herbert Bautista, Jinggoy Estrada, Isko Moreno. — FRJ, GMA News
