May Pinoy touch din pala ang pinipilahan ngayong "Avengers: Infinity War" dahil may isang eksena rito na makikita ang isang sikat na pasyalan sa Pilipinas.

Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Huwebes ng gabi, sinabi na mismong ang Disney Philippines ang nagkumpirma sa Kapuso na si Lyn Ching na tungkol sa isang eksena sa pelikula na batay sa isang tourist spot sa Pilipinas.

Kaagad daw na mapapansin ito ng mga Pinoy kapag nakita sa pelikula ang sinasabing lugar sa Pilipinas.

Bagaman hindi binanggit sa ulat ang tourist spot sa Pilipinas na makikita sa 'Avengers' movie, nag-post naman sa social media ang Indochina Productions, na bahagi ng produksyon, tungkol sa pasasalamat nila sa mga nakatulong nila sa Pilipinas.

"Super Proud of our team who helped on the aerial unit for AVENGERS: INFINITY WAR in The Philippines," saad sa post na may aerial shot ng Banaue Rice Terraces.

Sa nakaraang panayam ni Lyn kay Joe Russo, isa sa mga direktor ng "Infinity Wars," sinabi ng Hollywood direktor na malaki ang posibilidad na may mga Asian superhero na makikita sa mga susunod na "Avengers" movie. --FRJ, GMA News